Home OPINION PAUTOT NG CHINA BISTADO NA

PAUTOT NG CHINA BISTADO NA

MANINIWALA ba kayong  pinahintulutan ng China ang grupong nagsagawa kamakailan lang ng re-supply mission sa BRP Sierra Madre sa pamamagitan ng maliit na eroplano kung saan ibinagsak lang nito sa naturang destakamento?

‘Yun kasi ang lumalabas na pahayag ng Tsino sa WeChat account nito kung saan nagkaroon daw ng espesyal na kasunduan ang dalawang bansa para lang maihatid ang pagkain at iba pang pangangailangan ng mga sundalong kahuli-hulihang nagbabantay sa teritoryo natin sa nabahurang barko sa Second Thomas Shoal sa West Philippine Sea, may 190 kilometro ang layo sa Palawan.

Wala pa mang inilabas na pahayag ang gobyerno natin hinggil dito subalit marami ang nagsasabi na ‘pautot’ lang ito ng China dahil nalusutan sila ng mga matatapang na sundalong nagsagawa ng re-supply mission.

Hindi ba’t ganito rin ang linya nang mapang-aping bansa na kesyo pinayagan ang grupo na maihatid ang suplay sa BRP Sierra Madre nang minsan ay matagumpay na naisagawa ang misyon sa kabila ng sangkaterbang dambuhalang mga Chinese Coast Guard at militia ang humarang sa maliit na sasakyang pandagat ng ‘Pinas bago ito makarating sa Second Thomas Shoal?

Susmaryusep, ano pa ba ang bagong patutsada ng China sa pangangamkam nito sa teritoryo ng bansang kulang na lang yata na ang buong puwersa armada nito ay dalhin na sa WPS upang kahit isang dakot ng buhangin ay hindi na makuha ritong batid naman ng sanlibutan na pag-aari ito ng ‘Pinas?

Hindi nga baga makaporma ang mangingisda natin bunsod sa patuloy silang itinataboy ng mga Tsino na matitigas ang mukhang angkinin ang hindi naman sa kanila.

Ngunit bahag naman ang buntot nito sa tropa ng Kano nang minsan ay samahan ang mga sundalo natin sa pamamagitan ng Joint Maritime Patrol sa WPS kung saan parang mga basing-sisiw  naman ang Chinese Coast Guard na nasa malayong distansya lang at pinanonood ang naturang aktibidad.

Sa madali’t sabi, pulgas lang ang kayang tirisin ng China tulad ng ‘Pinas na wala namang kakayahang lumaban sa isang higanteng kapre na patuloy na nambabalahura’t nang-aapi sa atin.

Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email [email protected]

Previous articleTARA NA AT MAGBASA
Next articleMAY EPEKTO BA ANG ‘CHA-CHA’ SA PUBLIC TRANSPORT?