Home METRO “Pawshion show” ng Pasay LGU, suporta sa selebrasyon ng World Rabies Day

“Pawshion show” ng Pasay LGU, suporta sa selebrasyon ng World Rabies Day

MANILA, Philippines – Bilang suporta sa selebrasyon ng ‘World Rabies Day’ ay isasagawa ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang “pawshion show” sa Entertainment Hall ng Mall of Asia (MOA) Arena sa darating na Huwebes, Setyembre 28.

Kaugnay ng nabanggit na selebrasyon ay inanyayahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang lahat ng mga pet owners na interesadong lumahok sa pagsasagawa ng “pawshion show” na ipalista lamang ang pangalan ng kanilang mga alagang hayop mapa aso man ito o pusa.

Hinimok ng alkalde ang mga pet owners na sagutan ang registration form at ipadala ito sa Animal Bite Treatment Center sa pamamagitan ng Viber sa numerong 0977-4718938 kabilang ang mga litrato ng kanilang mga alaga.

Pinaalalahanan din ni Calixto-Rubiano na tatanggap lamang ang “pawshion show” ng hanggang 30 kalahok kung saan ang mga alagang hayop ay kinakailangang updated ang mga anti-rabies vaccinations ng mga ito.

Papayagan din lamang na sumali sa naturang aktibidad ang mga alagang anim na taon pataas habang kasabay ng pagsasagawa ng “pawshion show” ay ang pagbibigay na rin ng anti-rabies vaccination sa mga alagang hayop. James I. Catapusan

Previous articleWHO-doctor-patient ratio, makakamit na sa 5 dagdag na PH medical school – Villanueva
Next articlePilipinas may karapatang mag-alis ng floating barrier ng China sa Scarborough Shoal – NSC