MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pamamahagi ng tulong sa mga residenteng apektado ng bagyong Egay sa Abra.
“Kaya kami nandito para tiyakin na maayos ang takbo at magbigay ng instruction para maging maliwanag kung ano ang dapat nating gawin,” ayon sa Pangulo.
“Susunod diyan ang pinaka importante, water supply. Susunod diyan yung kuryente. Diyan kami nahihirapan. Ang nangyari dito sa probinsiya ng Abra, tumumba yung mga poste. Kaya’t kailangan na naman natin either itayo ulit ‘yan or magtayo tayo ng bago,” dagdag na wika ng Pangulo.
Sa nasabing event, nag-abot din ang Punong Ehekutibo ng tulong pinansiyal sa mga lokal na opisyal para makatulong sa nagpapatuloy na relief efforts at recovery projects para sa mga apektadong residente.
“Susunod naman diyan ang pag-rehabilitate at rebuilding na. Kaya tinitingnan na rin namin gaano karami ang damage, ilan yung talagang nasiraan ng bahay, ano yung damage doon sa mga ibang bahay. Magpo-provide din kami ng building materials para naman maitayo uli at mabalikan,” ayon sa Chief Executive.
Winika pa ng Pangulo na ‘satisfied’ siya sa kapuwa naging pagtugon ng national at local governments sa bagyong Egay.
“Mahusay naman ang ating mga disaster response team sa LGU at sa National at maganda naman ang ugnayan ng national at tsaka local. Kaya sa palagay ko sa lalong madaling panahon maibabalik na natin lahat ng mga serbisyo na kinakailangan.” ayon pa rin sa Pangulo.
Samantala, nakatakdang i- check ng Pangulo ang situwasyon sa Laoag at Tuguegarao ngayong tanghali.