Home NATIONWIDE PBBM ‘di pabor sa Cha-cha – Imee

PBBM ‘di pabor sa Cha-cha – Imee

MANILA, Philippines – Matagal nang hindi pabor si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na amyendahan ang 1987 Constitution, ayon kay Senador Imee Marcos.

Taliwas ito sa naunang kinumpirma ni Senate President Juan Miguel Zubiri na inatasan ni Pangulong Marcos ang Kongreso, partikular ang Senado na pangunahan ang pag-rebyu sa economic provision ng 1987 Constitution.

Sa pahayag, sinabi ni Marcos na naniniwala umano ang kapatid na chief executive na masasayang lamang ang oras pag-amyenda sa Saligang Batas at makakasagabal sa gawain ng administrasyon na lutasin ang tunay na problema ng bansa.

“Ayaw talaga niya dahil abalang-abala siya sa pagbangon ng ekonomiya. Sabi niya hirap na hirap pa rin ang tao, ang taas pa rin ng bilihin, mahirap pa ring makahanap ng maayos na trabaho, bakit natin papasukan ‘yan? Baka maubos lang ang panahon,” ayon kay Imee.

Sa press conference nitong Lunes, sinabi ni Zubiri na nakikpagpulong siya kasama si House Speaker Martin Romualdez kay Pangulong Marcos hinggil sa isinusulong na peoples’ initiative sa Mababang Kapulungan.

Nagkita umano sila ni Marcos at Romualdez noong Enero 9 at 11 kaya’t inatasan nito ang Senado na pangunahan ang pagrebyu sa economic provision ng Saligang Batas na makakatulong sa pag-unlad ng bansa, ayon kay Zubiri.

Ayon kay Imee, hindi nararapat na panahon ang pag-amyenda sa Saligang Batas dahil ito mahalaga upang mabago ang pamumuhay ng mamamayan sa ngayon.

“Hindi pa naging presidente ang aking kapatid, nag-usap na kami ni Bongbong na baka makapag-distract lang ‘to. Malilihis lang ang atensyon ng pamahalaan kapag ito na lang ang tututukan natin, hindi na ang presyo ng bigas, ang gasolina, at iba pang problema sa trabaho,” aniya.

Noong Pebrero 2023, sinabi ni Marcos na hindi prayoridad ng kanyang administrasyon ang amyendahan ang 1987 Constitution dahil makakamit naman ang adhikain ng pamahalaan gamit ang umiiral na Saligang Batas.

Pero, nitong Disyembre, biglang nagbago ang posisyon ni Marcos sa pagsasabing kailangan pag-aralan ang pag-amyenda sa Saligang Batas na nakapokus kung paano mahihimok ang dayuhang imbestor sa Pilipinas na pangunahing interest nito.

Ayon naman kay Zubiri, inihayag umano ng Pangulo na masyadong “divisive” ang peoples initiatives na isinusulong ng Kamara dahil lulusawin ang kapangyarihan ng Senado na bomoto nang hiwalay sa anumang charter change.

“The President then instructed senators to review the economic provisions of the Constitution in the context of the Public Service Act, which has been amended to allow foreign ownership in certain public services like airports, railways, expressways and telecommunications,” ayon kay Zubiri.

Inihain ng senador nitong Lunes ang Resolution of Both Houses No. 6 na nagpapanukalang amendahan ang ilang economic provisions ng 1987 Constitutiona kabilang ang reporma sa Public Services Act, education, at advertising industry by na nagdadagdag ng pariralang: “unless otherwise provided by law.” Ernie Reyes

Previous articleMaliliit na sari-sari store, karinderya exempted sa business tax sa Marikina
Next articlePresyo ng galunggong bababa sa P130-P150/kilo sa Marso