MANILA, Philippines – NAGPAABOT ng kanyang pakikidalamhati si Pangulong Ferdinand R. Marcos para sa Morocco na matinding tinamaan ng 6.8-magnitude na lindol.
“The Filipino people are deeply saddened to learn of the devastating 6.8-magnitude earthquake that has tragically claimed over 2,000 lives in Morocco,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang kalatas.
“We stand in grief and solidarity with you, and our prayers go to the families affected by this tragedy,” dagdag na pahayag ng Chief Executive.
Nakahanda aniya ang Pilipinas na magbigay ng tulong at suporta sa Morocco para sa agarang pagbangon nito mula sa trahedya.
“We have faith in the strength and resilience of the Moroccan people to unite and rebuild in the face of such adversity,” aniya pa rin.
Sa ulat, sinasabing maaari umanong masawi ang may 34,000 katao at 114,000 sugatan kung tatama sa Metro Manila ang lindol na nangyari sa Morocco noong Biyernes.
Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, ang West Valley Fault ay may kakayahang mag-generate ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude batay sa pag-aaral noong 2004.
Sinabi ni Bacolcol na ang huling naitalang pagyanig ng naturang faultline ay taong 1658 kayat hinog na para sa pinangangambahang “Big One”.
Batay sa Earthquake Impact Reduction Study for Metro Manila na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency para sa Metro Manila Development Authority at Phivolcs, ang masasawi sa malakas na lindol ay dulot ng 13 percent ng bahay ang guguho at ang mga masusugatan ay dahil sa pagguho ng mga gusali.
Sinabi ni Bacolcol na ang 7.2-magnitude quake ay maaari ring magdulot ng ground ruptures at mararamdaman ang intensity 8 na pagyanig.
Muling nagpayo si Bacolcol na magsagawa ng retrofitting sa mga gusali at mga bahay upang higit itong maging earthquake-resilient at mabawasan ang casualties kung may malakas na lindol.
Sinasabing huling naganap ang mapaminsalang lindol sa Morocco taong 1960. Kris Jose