MANILA, Philippines – NAKAPAGBULSA na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng $22 million na investments kasunod ng kanyang mga pakikipagpulong sa mga nangungunang kompanya sa Indonesia para pataasin ang partnership sa animal health, artificial intelligence (AI), at digital connectivity.
Sa katunayan, nakipagpulong ang Pangulo sa mga top executives sa mga kompanya sa Jakarta sa sidelines ng kanyang naging partisipasyon sa 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits.
Kabilang sa mga nakapulong ng Pangulo ay ang mga top executives ng PT Vaksindo Satwa Nusantara, PT WIR Asia Tbk, at Pasifik Satelit Nusantara (PSN).
Nais ni PT Vaksindo Satwa Nusantara na makipagtulungan sa local partner nito, Univet Nutrition and Animal Healthcare Company (UNAHCO Inc.) Philippines, pagdating sa veterinary vaccines at isusulong ang isang pagbubuhos ng US$2 million na investments ngayong taon.
Magbibigay din ito sa Pilipinas ng isang avian influenza vaccine.
Ang isa pang kompanya na nakapulong ng Pangulo ay ang PT WIR Asia Tbk., kung saan ang subsidiary nito ay nangako na magi-invest ng $20 million.
Ang WIR ay isang Indonesian publicly listed company na nagdi-develop ng augmented reality (AR) technology kasama ang virtual reality (VR) at artificial intelligence (AI). Kinonsidera ito bilang unang Metaverse company sa Indonesia.
Sa kabilang dako, nakapulong din ng Pangulo ang Pasifik Satelit Nusantara (PSN) na nagbigay ng update hinggil sa naging bunga ng memorandum of understanding (MOU) na tinintahan noong nakaraang taon na may kinalaman sa paglulunsad ng satellite ngayong Disyembre 2023, makatutulong na mapahusay ang digital connectivity sa Pilipinas.
Lumagda ang PSN ng MOU kasama ang WIT Philippines Inc. noong Setyembre ng nakaraang taon sa panahon ng state visit ng Pangulo (Marcos) sa Indonesia.
Ang alokasyon ng 13.5 Gbps ng bandwidth para sa Pilipinas mula sa bagong satellite na nakatakdang ilunsad ng PSN ngayong taon ay naglalayong payagan ang WIT na tuparin ang intensyon nito na palakasin pa ang “bigger market” para sa pamahalaan at consumer markets sa Pilipinas. Kris Jose