Home HOME BANNER STORY PBBM nakipagkita sa Filipino survivors ng Hamas attack sa Israel

PBBM nakipagkita sa Filipino survivors ng Hamas attack sa Israel

MANILA, Philippines – Nakipagkita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa dalawang Filipino survivors ng pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7 sa Israel.

Sinalubong ni Marcos si Jimmy Pacheco at Camille Jesalva sa Malacanang matapos silang dumating sa bansa ilang araw bago ang Pasko.

“Eh di at least nakauwi kayo, tsaka Merry Christmas. Napakabigat naman nung experience niyo. Isulat ninyo o i-video ninyo,” sinabi ni Marcos sa mga OFW.

“Dapat gawin nating lahat nung mga… lahat ng repatriate. Ikuwento sila, para malaman ng tao kung ano ‘yung pinagdaanan nila. ‘Yung Israeli, mahal naman tayo eh,” dagdag niya.

Pinasalamatan naman ni Jesalva ang Pangulo sa tulong nito.

Si Pacheco ay caregiver sa Israel na binihag ng Hamas sa loob ng 40 araw, dumating siya sa Pilipinas noong Disyembre 18.

Siya ay isa sa dalawang Filipino na binihag ng grupo noong Oktubre 7 sa southern Israel.

Sa pakikipagpulong kay Marcos, inalala ni Pacheco kung paano kinubkob ng Hamas ang kibbutz.

Aniya, nakaligtas siya sa kakaunting rasyon ng pagkain at tubig sa loob ng mahigit 40 araw sa Gaza.

Si Jesalva naman, 31-anyos na caregiver mula Nueva Ecija, ay hindi iniwan ang kanyang employer sa kabila ng kaguluhan.

Kinilala naman ng Israelis ang kanyang katapangan, dedikasyon at loyalty sa employer.

Naninirahan ang mga ito sa Nirim Kibbutz sa Gaza-Israel border, na inatake ng Hamas noong Oktubre 7.

Nasagip sina Jesalva at Nitza ng rumespondeng tropa mula sa Israel Defense Forces. RNT/JGC

Previous articleDOH nakapagtala ng 4 fireworks-related injuries ngayong holiday season
Next article300 pugante, huli sa Project Paskulong ng PNP