Home NATIONWIDE PBBM nakiramay sa pagkamatay ng 6 sundalo sa Lanao del Norte clash

PBBM nakiramay sa pagkamatay ng 6 sundalo sa Lanao del Norte clash

MANILA, Philippines- Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palalakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa terrorist groups.

Ito ay kasunod ng pagkasawi ng anim na sundalo sa engkwentro sa Islamic State-linked Dawlah Islamiyah (DI) group sa Munai, Lanao del Norte nitong Pebrero 18.

Ipinaabot din ni Marcos nitong Linggo ang kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng mga sundalo.

“Ipinapangako natin sa kanilang mga mahal sa buhay, at sa sambayanang Pilipino, na ating ipadarama sa kanilang mga naulila, ang pagmamahal at pagkikilala ng pamahalaan sa kanilang nagawang sakripisyo,” anang Pangulo.

“Tayo po ay sumasaludo sa sakripisyo ng ating anim na sundalo na nagbuwis ng buhay sa isang enkwentro, upang tayo ay protektahan laban sa mga terorista,” paghikayat pa niya sa mga Pilipino.

Bukod sa anim, naiulat na sugatan ang apat na miyembro ng 44th Infantry Battalion ng Army sa pakikipagbakbakan sa DI group Barangay Ramain.

Kilala ang mga terorista na nagsasagawa ng operasyon sa Lanao del Norte at Lanao del Sur.

Ani Marcos, naglunsad ang militar ng manhunt operations laban sa mga rebelde.

Upang tulungan ang mga pamilya ng mga napaslang na sundalo, inihayag ni Marcos na bibigyan sila ng tulong-pinansyal.

Sa hiwalay na pahayag ni House Speaker Martin Romualdez, sinabi niya na nagbigay ng presidential directive sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Taos-puso tayong nakikiramay sa mga pamilya nina Corporal Rey Anthony Salvador, Corporal Reland Tapinit, Corporal Rodel Mobida, PFC (Private First Class) Arnel Tornito, Pvt (Private) Micharl John Lumingkit at Pvt James Porras,” anang mambabatas.

“Dagdag pa rito, nais natin ng mabilis na paggaling sa mga sugatang bayani – sina Corporal Jaymark Remotigue, PFC Marvien Aguipo, Pvt Amiril Sakinal at Pvt Nazareno Provido,” patuloy niya. RNT/SA

Previous articleMariel nag-sorry sa ‘Vitamin C’ drip photo sa Senado
Next articleUS tinawag ni Quiboloy na ‘one-sided’