MANILA, Philippines – NAGPAABOT ng kanyang pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamilya ng mga Filipino crew members na nasawi matapos tumaob ang isang Chinese fishing vessel sa Indian Ocean noong nakaraang linggo.
“Nakikiramay tayo sa mga pamilya ng mga kababayan nating nasawi sa tumaob na fishing vessel sa Indian Ocean noong ika-16 ng Mayo,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang tweet.
“Nakaantabay ang ating pamahalaan para sila’y alalayan,” dagdag na wika ng Pangulo.
Sa kabilang dako, nakipag-usap na ang Department of Foreign Affairs sa Department of Migrant Workers para sa repatriation ng mga labi ng limang tripulante ng F/V Lu Peng Yuan Yu 028 na lumubog sa karagatang sakop ng Sri Lanka at bahagi ng Indian Ocean noong Mayo 16.
Kasama ang limang Pinoy sa 39 crew na sakay ng fishing boat at ang 17 Chinese at 17 Indonesian.
Samantala, tiniyak ni DFA spokesperson Teresita Daza na magbibigay ng tulong ang ahensya sa pamilya ng mga tripulanteng Pinoy na nasawi.
Makaraan ay sinabi ng DFA na nakita ng Indian maritime patrol ang tumaob na fishing vessel mga 1,000 kilometro sa timog ng Sri Lanka noong Mayo 18, at walang natagpuang nakaligtas.
Advertisement