ILOILO CITY- Namahagi si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes ng bigas at cash aid sa mga benepisyaryo ng mga programa sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tatlong lalawigan sa Panay Island.
Kasama ni Marcos sina DSWD Secretary Rex Gatchalian at DSWD-6 (Western Visayas) Director Carmelo Nochete sa distribusyon ng bigas sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries sa Capiz, Antique, at Aklan.
Sa Capiz, namahagi si Marcos ng sako-sakong bigas sa 1,000 4Ps households, 679 sa mga ito ang apektado ng red tide.
Naglabas din ang Pangulo ng P1.78 milyong halaga ng livelihood assistance sa anim na Sustainable Livelihood Program Associations (SLPAs) sa Capiz.
Nagtungo rin si Marcos sa San Jose de Buenavista, kapital ng Antique, at namigay ng bigas sa 1,000 pamilyang apektado ng African Swine Fever (ASF) at bagyong “Goring.”
Gayundin, pinangunahan ng Pangulo ang distribusyon ng Seed Capital Fund na may kabuuang halaga na P1.45 milyon sa walong SLPAs mula sa mga bayan ng Hamtic, Tobias Fornier, Libertad, at Tibiao sa Antique.
Huling pinuntahan ni Marcos ang Kalibo, provincial capital ng Aklan, kung saan namahagi siya ng 1,000 sakong bigas at P600,000 seed capital sa SLP beneficiaries. RNT/SA