Home OPINION PBBM, NANININDIGAN SA TENSYON SA WEST PHILIPPINE SEA

PBBM, NANININDIGAN SA TENSYON SA WEST PHILIPPINE SEA

HINDI pagyayabang o pagpapakita ng katapangan kundi katatagan sa kanyang paninindigan ang ipinamamalas sa nagaganap na tension sa West Philippine Sea ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sa akin kasing pananaw, ang mga binibitiwang pahayag ni Pangulong Marcos sa kanyang pagdalo sa isang pagpupulong sa Daniel L. Inouye Asia Pacific Center for Security Studies sa Honolulu, Hawaii ay nararapat para sa isang lider ng bansa na handang ipagtanggol ang karapatan sa ating teritoryong inaaangkin ng Chinese government.

Sabi  ni PBBM  sa pagpupulong, sa halip na bumuti ang kalagayan sa WPS ay lalo pang lumalala dahil kahit anong liham protesta ang ipinadadala ng ating bansa sa gobyerno ng China, mukhang ibinabasura lang nila ito at hindi binibigyan ng kahalagahan.

Nagpahiwatig tuloy si President Bongbong na kailangan na ring ipaalala na matagal ng kaalyado ng Pilipinas ang Estados Unidos at tanging ka-partner sa tratado o treaty kaya’t batid niya na handa itong tumulong sa anomang posibleng maganap sa panghihimasok ng China sa ating teritoryo.

Ngayong  lumalala ang tensiyon sa WPS, anang Pangulo, kailangan na ang tulong ng Amerika upang mapahupa ang tensiyon sa diplomatikong pamamaraan.

Bukod pa sa Estados Unidos, kumpiyansa rin ang Pangulo  na hindi mag-aatubili na magkaloob din ng tulong ang iba pang malalaki at makapangyarihang kaalyadong mga bansa na kabilang sa mga tumuligsa nang bombahin ng water canon ng Chinese Coast Guard ang maliit na barko ng Pilipinas na maghahatid lang ng supply sa Ayungin Shoal.

Kailangan na rin ni PBBM na himukin ang mga kalapit natingb ansa tulad ng Vietnam at Malaysia para makabuo ng hiwalay na Code of Conduct sa South China Sea upang magkaroon  ng resolusyon sa problema at matapos na ang sigalot sa pinag-aagawang teritoryo para sa  kapayapaan.

Siyempre, batid  ng Pangulo na ang kanyang matapang na paninindigan sa mga binitiwang pahayag ay hindi palalampasin ng Chinese government at inaasahan na rin  ang ganting pananalita.

Hindi maikakaila na hindi  tayo handang sumabak sa giyera laban sa China dahil sabi nga noon ng mga matatanda, sabay-sabay lang umihi ang mga Tsino sa Pilipinas, babahain na ang buong kapuluan sa dami ng kanilang mamamayan.

 

 

.

 

Previous articleGadon hits UN special rapporteur in defense of NTF-ELCAC
Next articleBIGAS KUKULANGIN BAGO MAG-MARSO