MANILA, Philippines -IKINATUWA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang naging pagtugon ng gobyerno sa nagpapatuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.
Kasabay nito ay tinawagan ng pansin ang mga ahensiya ng pamahalaan na magbigay sa mga apektadong pamilya ng ilang uri ng productive activity lalo na sa mga bata habang nanunuluyan ang mga ito sa evacuations centers.
“I think that the response that we have put together is satisfactory, that we were able to prepare and we were able to achieve so far ‘yung sinasabi ng province (na) walang casualty,” ayon kay Pangulong Marcos sa situation briefing ukol sa Mayon sa Albay Astrodome sa Legazpi City.
“Patuloy natin. We will follow that principle in everything that we are doing,” aniya pa rin.
Ayon sa Punong Ehekutibo, kailangan na mayroong aktibidad ang mga evacuees katulad ng source of livelihood habang hinihintay ng mga ito na maging normal ang Mayon Volcano.
Nag-aalala naman ang Pangulo sa epekto ng disaster sa emosyonal at mental health ng mga bata habang nananatili sa evacuation centers.
“I don’t know what livelihood or something para mayroon naman silang ginagawa, mayroon naman silang pinagkakakitaan, at lalo na ‘yung mga bata,” ayon sa Chief Executive sa situation briefing.
“Isipin natin ‘yung mga bata. What can we do with them? Maybe DepEd can help us, maybe the NGOs can help us. So that active naman sila doon at hindi lang nag-aantay ng araw-araw na walang ginagawa. That is not a small issue,” aniya pa rin.
Tiniyak naman ng Department of Labor and Employment (DoLE) kay Pangulong Marcos na isasama nito ang mga lumikas sa kanilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program para sa 30 araw.
“TUPAD is a community-based package of assistance that provides emergency employment for displaced workers, underemployed and seasonal workers, for a minimum period of 10 days, but not exceeding 30 days,” ayon sa DoLE.
Isang opisyal naman ng DoLE ang nagsabi sa Pangulo na mahigit sa 4,000 pamilya ang nananatili sa temporary shelters, isang miyembro ng pamilya ang kasama sa TUPAD program ng DoLE, maaaring kumita ng P10,950 para sa 30-day cash-for-work program.
Ang gagawin ng mga ito ay community gardening malapit sa evacuation centers, temporary shelter maintenance at housekeeping, at maging food preparations.
Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang DoLE sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Agriculture (DA) para ma-maximize ang tulong na ipagkakaloob ng pamahalaan sa mga bakwit. Kris Jose