Home NATIONWIDE PBBM: Pamamahagi ng tulong sa Samar flood victims paspasan

PBBM: Pamamahagi ng tulong sa Samar flood victims paspasan

MANILA, Philippines- Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mga ahensya ng pamahalaan na bilisan ang pamamahagi ng tulong sa mga residente ng Samar kung saan maraming lugar ang binaha bunsod ng walang tigil na pag-ulan dahil sa shear line.

Pinangunahan ni  Pangulong Marcos ang situation briefing sa Tacloban City kasama ang mga opisyal ng Samar dahil hindi nito nagawang lumapag sa Catarman, Northern Samar.

“We are doing everything that we can. But let’s work with those who are in the evacuation centers – pati na ‘yung mga nasa bahay pa … we have to go and make sure that they get the food packs, they get sufficient water supply,” ayon sa Chief Executive.

Inatasan din nito ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ayusin ang mga lansangan upang makadaan ang mga “essential goods” sa mga apektadong lugar.

“The public works – as soon as the public works is able to enter, do the necessary repairs so that bigger vehicles can enter – as soon as it’s passable all efforts can go in and do the repairs necessary,” aniya pa rin.

Bunsod ng malakas  na buhos ng ulan, nasawi  ang isang indibidwal at mahigit sa 720,000 katao naman ang apektado dahil sa mataas na tubig-baha sa 182 lugar sa  limang rehiyon sa bansa.

Ang kombinasyon ng shear line at  LPA ang dahilan ng malawakang pagbaha lalo na sa Eastern Viisayas at kalapit na rehiyon.

Sa ulat, bineberipika pa ang pagkamatay ng isang babae sa Region VIII matapos diumano mabagsakan ng puno dulot ng low pressure area at epekto ng shear line, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Sa situation report ng NDRRMC nitong Huwebes, lumalabas na 721,627 na ang apektadong populasyon ng masamang panahon:

  • patay: 1

  • apektado: 721,627

  • lumikas: 80,358

  • nasa loob ng evacuation center: 40,454

  • nasa labas ng evacuation center: 39,904

Sa kabutihang palad, wala pang naitatalang nasaktan o nawawala buhat ng sama ng panahon.

Nakapagtala ng mga pagbaha at pagguho ng lupa (landslide) buhat ng mga pag-ulang dulot ng LPA at Shear Line sa mga sumusunod na lugar:

  • CALABARZON

  • MIMAROPA

  • Bicol Region

  • Western Visayas

  • Eastern Visayas

  • CARAGA

“A total of 103 damaged houses are reported in Region 5, Region 6, Region 8,” wika pa ng NDRRMC.

Wala pa namang inilalabas ng halaga ng napinsala sa imprastruktura at sektor ng agrikultura sa ngayon.

Nagdeklara naman na ng state of calamity sa 24 lungsod at munisipalidad sa Region VIII. Dahil dito, magpapatupad ng automatic price freeze sa mga presyo ng mga batayang pangangailangan.

Nakapagbigay namanng nasa P29.2  milyong halaga ng ayuda sa ngayon sa mga nasalanta sa Bicol, Western at Eastern Visayas sa porma ng mga family food packs, tulong pinansyal at iba pa.

Samantala, sa kanyang naging pagbisita sa Sarangani, nangako si Pangulong Marcos  na magbibigay ng tulong para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.

Tinuran pa ng Punong Ehekutibo na nakaposisyon na ang mga relief goods at iba pang uri ng tulong sa mga biktima “except on the rebuilding of their houses as the region continued to experience aftershocks.”

“Pati ‘yung mga rebuilding, hindi pa natin puwedeng simulan dahil may aftershocks pa. Ang problema sa lindol, walang forecast – hindi natin alam kung ano ang mangyayari,” ayon sa Pangulo.

Tiniyak naman ng Chief Executive sa publiko na lahat ng uri nng tulong ay naroroon na.

“Pangangailangan ng mga inabutan, ‘yung mga nawalan ng bahay, yung mga mangingisda, yung mga injured – lahat ‘yan patuloy na magbibigay ang DSWD [Department of Social Welfare and Development] ng assistance,” aniya pa rin. Kris Jose

Previous articleAsia Pacific lawmakers’ forum sa Pinas nagsimula na
Next article‘Bomber’ tiklo sa sea marshals sa Tawi-Tawi!