Home OPINION PBBM PATULOY NA TINITIMBANG ANG PREMIUM INCREASE NG PHILHEALTH

PBBM PATULOY NA TINITIMBANG ANG PREMIUM INCREASE NG PHILHEALTH

NAGSUMITE ng apela si DOH o Department of Health Secretary Teodoro Herbosa hinggil dito at sinabing hindi pa ganap na nakababawi at nakababangon ang publiko sa matinding epekto sa ekonomiya ng COVID-19 pandemic.

Sa isang panayam, sinabi ni Pangulong BBM na kanya pang pinag-aaralan ang cost-benefit ng ginawang pagtataas ng PHILHEALTH ng monthly premium nito. Nais niyang makita ang epekto ng pagtaas ng kontribusyon sa mga serbisyong ipinagkakaloob ng health insurance corporation.

Nauna ng sinabi ng pamunuan ng PHILHEALTH sa pa­ngunguna ng President and Chief Executive Officer nitong si Emmanuel Ledesma na nakatakdang tumaas ang package rate ng lahat ng medical cases ng ahensiya.

Ayon kay Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma, Jr., na nagsimula na silang magpatupad ng 1% premium rate increase alinsunod sa itinatadhana ng section 10 ng Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care for All Fi­lipinos.

Sa ilalim ng nasabing batas ay hanggang 5% ang karagdagang dapat na itaas sa kontribusyon ng mga employer at kanilang mga manggagawa. Noong 2023, pinasuspendi ito ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. kaya hindi na natuloy ang pagpapatupad ng 4.5% increase para sa mga kumikita ng Php 90,000 dahil nagsisimula pa lamang na makabangon ang maraming negosyante at manggagawa mula sa matinding epekto sa ekonomiya at kabuhayan ng COVID-19 pandemic.

Ang 1% na pagtataas ay bahagi ng kabuuang 5% premium contribution hike. Ibig sabihin, ang isang manggagawa na kumikita ng Php 10,000 bawat buwan ay may katapat na kontribusyon na Php 500.00 simula ngayong taon. Paghahatian ito ng manggagawa at kanyang employer.

Hanggang ngayon ay wala pang konkretong posisyon si Pre­sident Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. kaugnay sa ginawang pagtataas ng buwanang kontribusyon ng PHILHEALTH ng 1% na ngayon ay nasa kabuuang 5% na.

Pero para kay Secretary Herbosa, kung sakaling matutuloy ang pagtataas ng premium, dapat itong simulan kung saan ito nahinto sa pagtama ng pandemya at ito ay nasa 3% at hindi maaaring maisagad agad sa 5% bilang pagsasaalang-alang sa taumbayan.

Nakahanda naman umanong sumunod ang PHILHEALTH sa magiging kapasyahan ng Pangulong BBM.

Previous articleSipag ng Presidential Task Force on Media Security hinangaan ng UN Special Rapporteur
Next articleLotto Draw Result as of | January 25, 2024