MANILA, Philippines- Kasalukuyang nasa nasa post-pandemic economic transformation ang Pilipinas.
Sa katunayan, nakatuon na ang Pilipinas sa tuluyang pagbabago sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagdaragdag ng produksyon at investment.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pagsasalita sa 10th Asia Summit na hinost ng think tank Milken Institute sa Singapore, araw ng Miyerkules, Setyembre 13.
Sa kanyang pahayag, inalala ng Pangulo ang aral at leksyon ng COVID-19 pandemic, kabilang na ang pangangailangan na itaas ang local agricultural production at bawasan ang pagsandal sa pag-angkat o importasyon.
“The pandemic showed us that this was not a wise choice to have made, and so we have continued to develop our agricultural sector, and the aspiration once again is that we are able to provide a sufficient supply of food at prices that people can afford,” ayon sa Pangulo.
Habang kinikilala na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakamit ng Pilipinas ang layunin nito, winika ng Pangulo na unti-unti ay nagiging mas food-sufficient ang bansa habang sinusuportahan ang ‘producers, research and development, at iba pang stakeholders’ sa merkado.
Binigyang-diin din ng Punong Ehekutibo ang pangangailangan na palakasin ang ‘manufacturing capabilities’ ng bansa na nangangailangan ng foreign investments.
Samantala, inilahad din ng Chief Executive ang pagsisikap ng kanyang administrasyon na makakuha ng ‘inputs’ mula sa pribadong sektor upang tiyakin ang ‘conducive business environment’ ng bansa para sa foreign investors.
Kabilang naman sa mga usapin na kinahaharap ngayon ng Pilipinas ay ang kakulangan sa suplay ng elektrisidad kung saan sinabi ng Pangulo na mangangailangan ng investors para isulong ang renewable energy sources.
Binanggit din ng Pangulo ang inamyendahang polisiya para pagaanin ang pagtatayo ng negosyo sa bansa.
Samantala, nakatakda namang bumalik ng Pilipinas si Pangulong Marcos sa araw ng Linggo, Setyembre 17. Kris Jose