MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa national government na tulungan ang local government units (LGUs) sa mga lugar na apektado ng super typhoon Egay para tiyakin ang kaligtasan ng mga residente na apektado ng kalamidad.
Sinabi ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na iniutos sa kanila ng Pangulo na patuloy na makipagtulungan sa local chief executives, binigyang diin ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagitan ng local at national government.
Binigyang-diin din ni Gatchalian na nais ni Pangulong Marcos na tiyakin na handa ang national government na dagdagan ang resources nito sa oras na maubusan ng suplay ang LGUs.
“Hindi tayo tumitigil na makipag-coordinate sa local government officials ng Ilocos Norte kasi alam natin na apektado rin sila pati na rin sa Cordillera region,” ayon kay Gatchalian.
“Yung coordination between the national government and local government napakaimportante niyan. Alam natin na ang local government ang first to respond,” dagdag na wika nito.
Maliban sa pagtutulungan at koordinasyon, sinabi ni Gatchalian na inatasan din sila ng Pangulo na siguruhin na sapat ang suplay ng pagkain sa mga apektadong residente sa ‘Egay’-hit areas at bigyan ang mga ito ng lahat ng kanilang pangangailangan.
Nakatuon aniya ang pansin ng national government na tiyakin ang kaligtasan ng mga residente sa Cagayan Valley at sa ilang lugar sa Northern Luzon kung saan inaasahan na tatama si super typhoon Egay.
Winika pa nito na nakatuon din ang atensyon ng gobyerno sa mga residente ng Occidental Mindoro dahil sa mataas na tubig-baha sa lugar na dala ng southwest monsoon o “habagat.”
“Sa utos ng ating Pangulo: una, masigurado na ang lahat ng lumikas may sapat na pagkain at may sapat na probisyon na non-food, ‘yung mga hygiene packs, ‘yung mga beddings; pangalawa, ‘yung mga wala sa evacuation center dapat masakop din ng ating tulong,” ani Gatchalian.
“Those areas ang ating areas of concentration. We’ve also coordinated closely with the respective governors and city mayors and municipal mayors ng mga nasabing lugar as early as yesterday,” dagdag na pahayag nito.
Tiniyak ni Gatchalian na handang-handa na ang administrasyong Marcos sa epektong dulot ni Egay.
Sa katunayan aniya, namahagi na sila ng food packs para sa 1.3 milyong pamilya.
“As of yesterday, ang ulat nga namin 1.3 million family food packs ang nakakalat sa 16 na regions ng ating bansa, at sa iba’t-ibang mga probinsya,” ayon sa Kalihim.
“Ang paradigm at ang marching order ng ating Pangulo, hindi ‘yung ‘pag may bagyo lang saka kami magpapadala ng goods. Kung hindi nandoon na ‘yung goods, bago pa man dumating ang bagyo,” aniya pa rin.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na may 80,000 hanggang 100,000 ng 1.3 million food packs ang naipamahagi na sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera Administrative Region, araw ng Martes. Kris Jose