Home NATIONWIDE PBBM sa OFWs: Programa, proyekto ng gobyerno sa overseas workers samantalahin

PBBM sa OFWs: Programa, proyekto ng gobyerno sa overseas workers samantalahin

MANILA, Philippines – HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na gamitin ang mga proyekto at programa ng pamahalaan para masiguro ang kanilang kapakanan.

”Marami pang proyekto ang nakapila, at kahit ang mga kasalukuyang programa ay pagagandahin pa natin. Umaasa po akong susulitin ninyo at gagamitin nang wasto ang mga benepisyong ito,” ang sinabi ng Pangulo sa kanyang naging talumpati sa  OFW Family Day 2023.

”Kasabay ng pagkayod ninyo sa ibayong dagat para sa mas magandang buhay ng inyong pamilya, ay ang aming pagsisikap na magpaunlad pa lalo sa ating bansa upang sa inyong pagbabalik ay makita naman ninyo ang malaking pagbabago dito sa Pilipinas,” dagdag na pahayag nito.

Ginarantiya naman ng Pangulo sa mga OFWs na gagawin ng kanyang administrasyon ang lahat ng makakaya nito para protektahan ang kapakanan nga mga OFWs.

Binanggit naman ni Pangulong Marcos na ilan sa proyekto ng administrasyon gaya ng One Repatriation Command Center na naglaan ng  hotline para sa concerns ng mga OFWs.

Sinabi rin ng Pangulo sa mga OFWs  ang Livelihood Development Assistance Program, ang Balik Pinay Balik Hanap-buhay,  Financial Awareness Seminar-Small Business Management Training, at ang  Enterprise Development Loan Program, na maaaring makatulong sa mga OFWs na nagdesisyon na bumalik at manatili sa bansa.

Maliban diyan, pinuri ng Pangulo ang mga OFWs para sa kanilang sakripisyo at kontribusyon para sa bansa.

”Sa ating mga OFW na araw-araw ay nagpapamalas ng sipag, husay, at katatagan sa inyong mga propesyon at siyang maipagmamalaki natin sa buong mundo: Kayo ang tunay na halimbawa ng makabagong manggagawang Pilipino,”  ayon kay Pangulong Marcos.

Sa kabilang dako,  sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration na ang OFW Grand Family Day ay isang testamento ng “unwavering commitment to supporting and uplifting the spirits of our hardworking OFWs who tirelessly strive for the betterment of their families and the nation.”

Ang event na ito ay magsisilbing “token of appreciation” para sa kanilang sakripisyo at oportunidad para muli nilang makaugnay ang kanilang mga mahal sa buhay sa kasayahan at masayang kapaligiran. Kris Jose

Previous article985 PDLs pinalaya ng BuCor
Next articleGinang, 2 pa arestado sa mga iligal na paputok