MANILA, Philippines – NANANATILING kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo sa bansa.
Sa isang ambush interview sa Zamboanga City, sinabi ng Pangulo na maaari naman itong matamo sa oras na maging stable na ang agriculture sector at ang halaga ng agricultural production sa bansa.
“May chance lagi ‘yan. Kung maayos natin ang production natin at maging maayos, hindi na tayo masyadong bagyuhin at ‘yung mga tulong na ibinibigay natin sa mga farmer ay magamit na nila,” ayon sa Pangulo.
Aniya pa, madali na para sa gobyerno na gumawa ng kinakailangang adjustments sa oras na maging normal na ang lahat.
“Ngunit, kapag talaga nagawa natin ang cost of production binaba natin ay bababa rin ang presyo ng bigas. Bababa rin lahat. Basta’t mas mataas ang ani, kahit na pwede nating ipagpantay ang presyo,” ayon sa Pangulo.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na umaasa ang Pangulo gaya ng kanyang campaign promise na mabawasan ang presyo ng bigas “to as low as P20 per kilo.”
Samantala, araw ng Lunes, inaprubahan ng National Food Authority (NFA) Council, ang buying price range para sa wet palay ay mula P16 hanggang P19 habang ang price range para sa dry palay ay mula P19 hanggang P23.
Ipinag-utos din ng Pangulo ang pagpapataw ng rice price cap para pagaanin ang pasanin ng mga Filipino sa gitna ng tumaas na presyo ng bigas.
Naging epektibo naman noong Setyembre 5 ang Executive Order No. 39 na nagbibigay ng price ceiling para sa regular milled rice na P41 per kilo at P45 per kilo para sa well-milled rice. Kris Jose