Home NATIONWIDE PBBM sa PNP: Pagpaslang sa radio broadcaster sa MisOcc imbestigahan!

PBBM sa PNP: Pagpaslang sa radio broadcaster sa MisOcc imbestigahan!

MANILA, Philippines- Nangako si Pangulong Ferdinand  Marcos Jr. na bibigyan ng katarungan  ang radio broadcaster na si Juan Jumalon o mas kilala sa pangalang DJ Johnny Walker, 57-anyos na namatay matapos pagbabarilin habang naka-on-board sa loob mismo ng kanyang radio station sa Misamis Occidental.

Sa katunayan, inatasan na ni Pangulong Marcos ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahang mabuti ang krimen at hulihin ang mga may kagagawan sa krimen.

Sa kalatas na ipinalabas ng Presidential Communications Office (PCO), mariing kinondena nito ang nangyari kay Jumalon.

“Ang ganitong walang kabihasnang pag-atake sa ating mamamahayag ay walang lugar sa isang demokratikong bansa,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Makakaasa kayo ng aming masusing pagtutok upang mabigyan ng hustisya ang kanyang pagpaslang,” dagdag na wika nito.

Sa ulat, idineklarang dead-on-arrival sa Calamba District Hospital ang biktimang si Juan Jumalon, 57, mas kilala sa tawag na  “DJ Johny Walker”.

Batay sa imbestigasyon, nangyari ang krimen dakong alas-5:30 ng umaga sa loob mismo ng bahay ng biktima kung saan may sariling booth sa Purok-6, Barangay Don Bernardo A. Neri, Calamba, Misamis Occidental. May programa sa radyo ang biktima na “Pa-hapyod sa Kabuntagon”.

Bigla na lamang pumasok sa bahay ng biktima ang suspek at agad itong binaril sa bibig na tumagos sa ulo. Ang pamamaril ay nakuhanan pa ng video.

Agad namang inutos ni PRO 10 Regional Director PBGen. Ricardo Layug, Jr,. ang pagla­latag ng checkpoints sa bayan ng Calamba para sa agarang pagdakip sa suspek.

Lumilitaw na kinuha rin ng suspek ang kuwintas ng biktima.

Nabatid kay Layug na bumuo na rin sila ng Special Investigation task Group (SITG) na tututok sa pamamaslang kay Jumalon. Kris Jose

Previous article5th batch ng Pinoy repats uuwi ngayong Lunes – DMW
Next article7 helicopter para sa PCG alok ng India – PBBM