MANILA, Philippines – HANGGANG sa ngayon ay madamot pa rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng komento sa isyu ng liderato sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa gitna ng umugong na balita na plot o planong patalsikin si Speaker Martin Romualdez sa posisyon nito.
“I won’t make any comments about the speakership, as of yet,” ayon kay Pangulong Marcos sa idinaos na League of Provinces of the Philippines 4th General Assembly sa Pampanga matapos ipakilala si Romualdez.
Ang pahayag ni Pangulong Marcos ay matapos na pabulaanan ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo ang tsismis o usap-usapan na siya umano ang nagpa-plano para patalsikin si Romualdez bilang Speaker of the House.
Nauna rito, tinanggal sa kaniyang posisyon bilang House Senior Deputy Speaker si Arroyo.
Sa paliwanag ni House Majority Leader at Zamboanga 2nd District Representative Manuel Jose Dalipe, ito’y upang bawasan umano ang bigat ng gampanin nito bilang kongresista.
Pero sa maikling statement na inilabas ni Arroyo, sinabi nito na “it’s the prerogative of the House.”
Sinabi ng ilang malalapit sa dating Pangulo na maayos naman ang kalusugan nito.
Sa sesyon nitong Miyerkules, Mayo 17, pinalitan si Arroyo ng kapwa Kapampangan na si 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr. Si Arroyo ang tumatayong chairman emeritus ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD).
Si Arroyo rin ang isa sa mga kongresista ng 19th Congress na nag-endorso sa kaniyang party-mate na si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez bilang House Speaker na naipagtagumpay naman nito noong Hulyo 2022.
Mayorya naman ng political parties kabilang na ang Lakas-CMD, the National Unity Party (NUP) at Nationalist People’s Coalition (NPC) — ang nagpahayag ng kanilang suporta para kay Romualdez, pinsan ni Pangulong Marcos.
Ang administration-allied Party-List Foundation, Inc., (PCFI) ay nagpahayag din na nananatili ang suporta nito kay Romualdez. Kris Jose