MANILA, Philippines- Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala siyang ibinigay na deadline sa kanyang ipinag-utos na imbestigasyon ukol sa agricultural smuggling.
Sa katunayan, hahayaan niya ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na masusing imbestigahan ang napaulat na hoarding, smuggling, at price fixing sa agricultural products.
“Hindi ako mahilig magbigay ng deadline. Siyempre gusto ko matapos nila nang maaga pero kailangan tapos, hindi hilaw,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Let them do their investigation. Wala namang particular, ang pinag-usapan, ang naging pagbasehan ‘yung naging problema sa maliwanag na nagho-hoarding, na kinokontrol ‘yung suplay ng sibuyas,” dagdag na wika niya.
Naniniwala ang Punong Ehekutibo na maraming sindikato ang nasa likod ng smuggling at hoarding ng agricultural products.
Inulit nito na ang mga illegal practices ay pinangangambahang magdudulot ng economic sabotage.
Si Pangulong Marcos, chairman ng Department of Agriculture (DA), ipinag-utos sa DOJ at NBI na imbestigahan ang smuggling ng sibuyas at iba pang agricultural products.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO) sinabi ni Marikina Representative Stella Quimbo sa isang Memorandum to the President na mayroong matibay na ebidensiya na magtuturo na umiral ang onion cartel na nasa likod ng pagsirit ng presyo ng sibuyas noong in 2022.
“I have just given instructions to the DOJ and the NBI to initiate an investigation into the hoarding, smuggling, [and] price fixing of agricultural commodities,” ayon sa PAngulo sa kanyang video message. Kris Jose