
MARAHIL nagkamali nga si PBGen Nicolas Torre III, ang nagresign na district director ng Quezon City Police District, dahil sa pagbibigay nang pagkakataon sa akusado ng road rage na dating pulis na makapagsalita sa harap ng mga mamahayag.
Matagal ko na sanang naisulat ito pero maraming pangyayari na inuna ng inyong Pakurot kaya naman ngayon lang napagtuunan ng pansin ang ginawang mabilis na aksyon ni Torre.
Pero kahanga-hanga ang kanyang paninindigan sa hindi paglalaglag sa isang dating pulis na tulad ni Wilfredo Gonzales na nambatok at nanutok ng baril sa siklistang si Allan Bandiola malapit sa Welcome Rotunda sa QC noong Agosto 8.
Nagbitiw bilang director ng QCPD si Torre upang hindi na madamay pa ang ibang pulis na nasa ilalim ng kanyang pamumuno. Inako na niya lahat ang pagkakamali gayung ang tanging nagawa niya ay ang bigyan ng pagkakataon ang taong inaakusahan.
Maaaring hindi natanggap ni Torre ang mga binitiwang salita ng alkalde ng lungsod na si Mayor Joy Belmonte, lamang ay hindi na rin niya pinahaba o pinalala pa ang usapin.
Sa isip ni Torre, ayaw niyang makipagtalo at mangatwiran pa sa alkalde na sumuporta rin naman sa kanyang pamumuno sa pulisya ng Kyusi. Pero kahit sumuporta ang alkalde ay ginawa at ginampanan ni Torre nang buong husay ang kanyang tungkulin. Hindi kahit kailan naging pabaya si Torre sa kanyang responsibilidad kaya nga halos hindi na ito natutulog at laging alerto sa mga pangyayari sa buong lungsod.
Mahusay na pulis at mabuting tao si Torre. Mahirap nga lang umanong maging amo dahil gusto nito ay halos perpekto ang trabaho ng isang pulis. Pero kapag nakagamayan na ang kanyang pamumuno, tiyak na ayaw na bumitaw sa kanya ng pulis dahil nga sa husay makisama.
Kung sa iba-ibang opisyal nangyari, tiyak na hindi ang mga ito bibitiw sa puwesto dahil mahirap na makakuha ng magandang puwesto sa ngayon dahil nga sa palakasan system. Pero itong si Torre ay hindi naging kapit-tuko sa puwesto.
Si Torre lang naman ang naglunsad ng 3 minute response time sa QC kung saan kapag tumawag ang isang residente o impormante na nangangailangan ng tulong, kaagad na darating sa kanya ang mga respondeng pulis sa loob lamang ng tatlong minute.
Maraming nagawang maganda at ikinaayos ng QCPD si Torre. Minalas nga lang dahil sa pakikinig sa udyok ng ilang kaibigang mamamahayag. Pero saludo pa rin ang marami sa kanya dahil sa bukod sa matalino naman talaga ang taong ito ay mahusay makipagkaibigan at maayos na “boss”. Hindi nanlalaglag ng tao, hindi katulad ng ibang opisyal na mailigtas lang ang sarili ay ginagawang sakripisyo ang kanilang tauhan.