MANILA, Philippines – Puspusan na ang paghahanda ng Philipine Coast Guard (PCG) sa posibleng epekto ng bagyong Egay sa mga maapektuhang lugar.
Ayon sa Coast Guard District North Eastern Luzon, ito ay para masiguro ang kaligtasan ng mga residente ng Cagayan, Isabela, Ifugao, Aurora, at Batanes .
Liban sa mga deployable response groups (DRGs), nakaantabay na rin ang mga sasakyan at kagamitan sa pagsagip o paglikas ng mga pamilyang ma-ta-trap sa kanilang tahanan sa oras na tumaas ang tubig-baha.
Tiniyak din nh PCG na 24/7 ang kanilang pagbabantay sa lagay ng panahon para maiwasan ang anumang aksidente sa karagatan.
Samantala, iniulat ng PCG na ngayong Martes ay mahigit 9,600 katao ang nananatiling stranded sa mga daungan sa Bicol Region, Eastern Visayas, Calabarzon at Metro Manila dahil sa super typhoon Egay (international name Doksuri).
Sa nasabing bilang na 9,682 na pasahero, truck drivers at cargo helpers, 5,889 ay mula sa Bicol Region; 2,214 mula sa Eastern Visayas; 1,199 mula sa Calabarzon; at 380 pasahero mula sa Metro Manila.
Gayundin, 834 na rolling cargoes at 27 motorbanca ang nananatiling stranded sa nasabing apat na rehiyon, habang 102 vessels at 61 motorbanca ang sumilong sa mga lugar. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)