Home NATIONWIDE PCG: Filipino fishing boats dumami sa Bajo de Masinloc sa kabila ng...

PCG: Filipino fishing boats dumami sa Bajo de Masinloc sa kabila ng bantang paghuli ng Tsina

MANILA, Philippines- Nadagdagan ang bilang ng mga fishing boat ng mga Pilipino sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc sa gitna ng pagpapatupad ng Tsina ng patakaran sa pagbabawal sa mga ‘foreign trespassers’ sa South China Sea, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Martes.

Inihayag ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na simula Hunyo 14, nag-deploy ang PCG ng dalawang sasakyang pandagat– ang BRP Sindangan at BRP Malapascua– upang magpatrolya sa shoal na matatagpuan  124 nautical miles sa baybayin ng Masinloc, Zambales.

Ayon pa kay Tarriela, namataan ng PCG noong Hunyo 15 ang tatlong Filipino fishing boat sa Bajo de Masinloc .Nadagdagan ito ng 7 at pagkatapos ay 10 sa kasalukuyan.

Nito lamang buwan ng Mayo ay naglabas ng regulasyon ang Tsina na nagbibigay-pahintulot sa kanilang coast guard na ikulong ang  foreign trespassers sa South China Sea ng hanggang 60 araw nang walang paglilitis .Ang nasabing patakaran ay umiral simula noong Hunyo 15.

Sinabi ni Tarriela na ang PCG ay nangangako na gagampanan ang kanilang makabayang tungkulin upang matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino sa WPS.

Inihayag din niya na walang na-monitor ang PCG na malaking pagtaas sa bilang ng Chinese maritime forces sa Bajo de Masinloc at iba pang lugar sa Kalayaan Island Group. Jocelyn Tabangcura-Domenden