Home NATIONWIDE PCG handa sa ‘potential disasters’ kasabay ng MARPOLEX

PCG handa sa ‘potential disasters’ kasabay ng MARPOLEX

MANILA, Philippines – “We stand prepared to confront any potential disasters that may threaten our nations with absolute confidence.”

Ito ang iginiit ni Coast Guard Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan Jr., deputy commandant for operations ng Philippine Coast Guard (PCG), sa pagbibigay-pugay sa mga lumahok sa Regional Marine Pollution Exercise (MARPOLEX) sa Bacolod City ngayong linggo.

Sinabi ni Punzalan, kasabay ng closing ceremony ng MARPOLEX nitong Huwebes, Hunyo 27, na ang tamang pagsasanay ng mga contingent ay humubog sa mga ito na maging kapaki-pakinabang na mga lider.

“As we have all witnessed, our men demonstrated courage, capability, preparedness, and readiness in their dedication to oil spill response,” ayon kay Punzalan, kasabay ng pagsasabi na nakatulong ang MARPOLEX sa mga nakalipas na taon upang maging eksperto ang mga ito sa paglaban sa oil spill incidents.

Sinabi rin ni Punzalan na ang pag-unlad ng teknolohiya ay makatutulong sa maritime industry at magsisilbing valuable asset ang technological progress, kasabay ng mas episyenteng pamamahala sa oil spill responses, firefighting at search and rescue operations.

Ang PCG ang nagsilbing host ng MARPOLEX ngayong taon kasama ang Japan at Indonesia Coast Guard.

Naging observers din dito ang Republic of Korea, Vietnam, at Estados Unidos na ginanap mula Hunyo 24 hanggang 28.

Ang five-day activity ay isinasagawa tuwing dalawang taon. RNT/JGC