MANILA, Philippines- Nakahanda ang Philippine Coast Guard (PCG) sakaling humiling ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mas maraming sasakyang pandagat na mag-eescort ng mga bangka para sa resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, kasunod ng insidente ng pambobomba ng water cannon ng China noong nakaraang linggo, sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela.
Sinabi ni Tarriela na handang mag-deploy ng karagdagang mga sasakyang-dagat si PCG Commandant Adkural Artemio Abu upang suportahan ang resupply mission at kung kailangan ay mag-deploy ng 97-meter vessel na magiging opsyon din.
Handa rin ang PCG na mag-deploy ng offshore patrol vessel na mas Malaki kaysa sa 44-meter na idineploy noon.
Iginigiit ng Beijing na ang mga barko ng Pilipinas ay pumasok sa Ayungin Shoal, na sinabi nitong bahagi ng teritoryo nito, at lumabag sa mga batas ng China sa pagsasagawa ng resupply mission.
Subalit, ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Kalayaan Island Group, na isang mahalagang bahagi ng Pilipinas, gayundin ang eksklusibong sonang pang-ekonomiya at continental shelf ng Pilipinas, kung saan ang bansa ay may soberanya. Jocelyn Tabangcura-Domenden