Home NATIONWIDE PCG naghahanda na sa paparating na Bagyong Mawar

PCG naghahanda na sa paparating na Bagyong Mawar

469
0

MANILA, Philippines – Bilang paghahanda sa paparating na Bagyong Mawar, ikinasa na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga deployable response groups (DRGs) at Quick Response Teams (QRTs) sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Ilocos region.

Bilang kinatawan ni PCG Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, inatasan ni PCG Officer-in-Charge, CG Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan Jr, ang mga District Commanders na siguraduhin ang kahandaan ng mga Coast Guard Stations at Sub-Stations, lalo na sa Hilagang Luzon kung saan inaasahang tatama ang bagyo.

Ang pag-iinspeksyon sa mga barko, bangka at iba pang sasakyang pandagat ay hinigpitan ng Coast Guard upang masigurong magiging ligtas ang kanilang paglalayag.

Patuloy ding pinaaalalahanan ang mga tripulante at mangingisda na tumutok sa pinakahuling lagay ng panahon para maiwasan ang anumang uri ng aksidente sa karagatan.

Nakaabang na rin ang search and rescue (SAR) assets ng PCG para agad na ma-deploy sa oras na makapagtala ng pagbaha sa mga komunidad.

Pagtitiyak ni Punzalan, para maitaguyod ang kaligtasan ng mga maaapektuhang residente tuwing may masamang panahon, ang PCG ay hindi tumitigil sa pagsasailalim sa disaster preparedness at SAR training.

Wala ring patid ang ginagawang koordinasyon ng PCG sa mga LGUs para malaman kung ano ang kinakailangan nilang tulong para makapagbigay ng maaasahang serbisyo publiko.

Maaga ring maghahanda ang PCG Auxiliary (PCGA) ng mga relief supplies at family packs upang agad na maipamahagi sa mga evacuation centers.

Apela ng PCG sa mga residente na makiisa sa panawagan ng paglikas bago pa man bumuhos ang malakas na ulan at tumaas ang tubig-baha.

Ito aniya ay para hindi na nila maranasan pa ang buwis-buhay na paglikas, gayong ilang araw bago ang inaasahang bagyo ay patuloy ang pagpapaalala ng lokal na pamahalaan ukol dito. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleBoss ni Mayo, pina-contempt ng Senado sa P6.7B shabu haul cover-up
Next articleABS-CBN TeleRadyo mamamaalam na

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here