MANILA, Philippines- Inilabas ng Philippine Coast Guard ang mga video ng nangyaring pagbangga ng Chinese vessels sa mga barko ng Pilipinas sa resupply mission sa BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea.
Sinabi ng PCG na ang unang insidente ay nangyari dakong 0604H, na kinasasangkutan ng China Coast Guard vessel 5203 (CCTV 5203) kung saan binangga nito ang Unaiza May 2 (UM 2) sa pagsasagawa ng CCG vessel ng ilegal at delikadong blocking maneuvers laban sa barko ng Pilipinas.
Sinabi ng China na ang “slight collision” ay nangyari makaraang balewalain ng resupply boat ang “multiple warnings at sadyang dumaan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng batas sa isang hindi propesyonal at mapanganib na paraan,” iniulat ng state broadcaster CCTV, na binanggit ang foreign ministry.
Ang pangalawang insidente ay nangyari bandang 0814H “nang ang Philippine Coast Guard (PCG) vessel na MRRV 4409 ay tamaan ng Chinese Maritime Militia vessel 00003 na aktibong nakikibahagi sa coordinated maneuvers upang i-harass, hadlangan at pigilan ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.”
Gayunman, inakusahan ng China ang bangka ng Pilipinas na “sinasadya” na gumawa ng gulo.
Ipinakita sa video na inilabas ng militar ng Pilipinas ang unahan ng Chinese coastguard ship at ang hulihan ng mas maliit na resupply vessel na bahagyang nakadikit.
Ligtas at hindi nasaktan ang mga tripulante ng mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na sangkot sa mga banggaan.
“Our sailors have met Chinese vessels’ dangerous maneuvers with utmost patience, competence, and professionalism to avoid any accidents or untoward incidents,” sabi ni Vice Admiral Alberto Carlos, Commander of the Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WESCOM).
Sinabi ng China na “ang pananagutan ay ganap na nasa Pilipinas” para sa mga insidente noong Linggo.
Nagbabala si Jay Batongbacal, direktor ng University of the Philippines’ Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, ukol sa maaaring mangyari dahil sa kanilang mapanganib na pagmaniobra.
“This is exactly the kind of event that can happen given their dangerous manoeuvring,” sabi ni Batongbacal.
Sinabi ni Batongbacal na ang CCG sadyang tinamaan ang Philippine resupply vessel upang makita kung paano tutugon ang Manila at subukan ang katatagan ng matagal nang kaalyado ng Pilipinas na Washington.
“You don’t accidentally hit another vessel out in the open ocean,” sabi ni Batongbacal sa AFP. Jocelyn Tabangcura-Domenden