Home HOME BANNER STORY PCG nakapagtala ng higit 34K pasahero sa mga pantalan

PCG nakapagtala ng higit 34K pasahero sa mga pantalan

MANILA, Philippines- Mahigit 19,000 outbound at 14,000 inbound na mga pasahero ang namonitor sa mga daungan sa buong bansa ngayong Miyerkules Santo, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG).

“On 27 March 2024 (12MN to 6AM), the PCG monitored 19,979 outbound passengers and 14,462 inbound passengers in all ports nationwide,” ayon sa PCG.

Isinagawa ang inspeksyon sa 218 sasakyang-dagat at 56 motorbancas.

Upang pamahalaan ang pagdagsa ng mga pasahero, inilagay ng PCG ang mga distrito, istasyon, at sub-station nito sa heightened alert status mula Marso 24 hanggang 31.

Sinumang may mga katanungan, alalahanin, at paglilinaw tungkol sa mga protocol at regulasyon sa paglalakbay sa panahon ng Semana Santa ay maaaring makipag-ugnayan sa PCG sa pamamagitan ng opisyal nitong Facebook page o sa Coast Guard Public Affairs Service sa 0927-560-7729.

Inaasahan naman ang pagbuhos ng mga pasahero sa Batangas Port ngayong Miyerkules Santo.

Sa mga regular na araw, humigit-kumulang 20,000 pasahero ang naitatala araw-araw sa daungan. Noong Martes Santo, nasa 17,000 pasahero ang naiulat. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleIlang pasahero sa labas ng NAIA Terminal 3 natulog
Next articlePasahero nahulog sa barko