Home NATIONWIDE PCG nakipag-ugnayan sa China surveyor sa OcMin collision probe

PCG nakipag-ugnayan sa China surveyor sa OcMin collision probe

Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Sabado, Disyembre 16, na nakikipag-ugnayan sila sa China shipping company na itinalagang surveyor sa pagsisiyasat sa umano’y banggaan sa pagitan ng Philippine fishing banca at ng Chinese-flagged vessel na MV TAI HANG 8.

Ayon sa pahayag, nakipag-ugnayan ang PCG sa maritime services company na Pandiman Philippines, na itinalaga ng Tai Hang Shipping Company Ltd. upang magsagawa ng transparent at masusing imbestigasyon para masuri ang sanhi, dahilan, at lawak ng umano’y banggaan.

Sianbi ng Tai Hang Shipping Company Ltd., gayundin ang Ambassador of China, na natanggap nila ang opisyal na liham ng PCG hinggil sa insidente.

Sa naunang ulat, binangga umano ng Chinese vessel MV Tai Hang 8 ang Filipino fishing banca malapit sa Paluan, Occidental Mindoro at nagpatuloy lang sa paglalayag na iniwan ang limang indibidwal na nagpalutang-lutang sa lumubog na banca ng apat na oras bago sila nasagip.

Una na ring nagbabala si PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na hahabulin ng PCG ang sinuman na nakagawa ng mga pagkakasala sa loob ng karagatan ng Pilipinas.

Sinuri na ng Pandiman Philippines ang mga pinsala at inihayag ang mga ulat sa PCG para sa karagdagang aksyon. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articleMekanismo ng komunikasyon itatatag ng Pinas at Cuba
Next article192 bahay ipinamigay sa Valenzuela