Home NATIONWIDE PCG nangako ng patuloy na presensya sa WPS

PCG nangako ng patuloy na presensya sa WPS

MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na patuloy ang kanilang presensya sa West Philippine Sea (WPS) gayundin ang pagpapanatili ng kapayapaan sa lugar sa gitna ng agresibong hakbang ng China laban sa mga barko ng Pilipinas.

Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Amand Balilo, ito ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na palakasin ng ilang ahensya ng pamahalaan ang maritime security at maritime domain awareness ng bansa sa gitna ng “serious challenges” na nagbabanta sa integridad ng teritoryo ng Pilipinas at sa “peaceful existence ng mga Pilipino.

Idinagdag pa ni Balilo na nananatiling tapat sa kanilang tungkulin ang mga tauhan ng PCG na ipagpatuloy ang utos ng pamahalaan na ilagay ang presensya sa WPS at huwag magpatinag sa nangyayari.

Sinabi ni Balilo, sa ilalim ng Executive Order No. 57 — ang National Coast Watch Council na pinalitan ng pangalan at muling inorganisa sa National Maritime Council (NMC) na pinamumunuan ni Executive Seceratry Lucas Bersamin, magagawa nilang i-step up ang kanilang operasyon sa ibang lugar bukod sa Ayungin Shoal kung saan nakasadsad ang BRP Sierra Madre at karaniwang nagaganap ang rotation at resupply mission.

Ang NMC ay responsible sa pagbuo ng polisiya at istratehiya upang matiyak ang isang nagkakaisa, coordinated at epektibong balangkas ng pamamahala para sa maritime security at domain awareness ng bansa bukod sa iba pang mga kapangyarihan at functions.

Noong Marso 23, iniulat ng Armed Fores of the Philippines (AFP) na ang China Coast Guard ay muling nagsagawa ng dangerous maneuver laban sa barko ng Pilipinas.

Sinabi ng PCG na isa sa kanilang barko na bahagi ng misyon ay hinadlangan at pinaligiran ng barko ng China.

Tatlong navy personnel din ang sugatan dahil sa insidente ayon sa National Security Adviser na si Eduardo Ano.

Gumamit din ng water cannon ang China Coast Guard laban sa barko ng Pilipinas, ang Unaizah May 4 na may dalang supply para sa Filipino troops na nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa WPS. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleMga pasahero sa mga pantalan, dagsa na pabalik ng Metro Manila
Next articlePadre de pamilya, patay sa sunog sa Navotas