Home NATIONWIDE PCG sa China: WPS collision imbestigahan din!

PCG sa China: WPS collision imbestigahan din!

MANILA, Philippines – Nakatakdang sumulat ang Philippine Coast Guard (PCG) sa China at hikayatin ang Beijing na magsagawa ng imbestigasyon sa nangyaring banggaan ng mga sasakyang pandagat sa West Philippine Sea, sabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armando Balilo.

“Kasi aksidente ito, iyong fishing vessel ay under sa flag state nila, dapat ma-imbestigahan din nila. Kasi it is incumbent upon them also to conduct their own investigation, katulad po noong ginagawa natin,” sinabi ni Balilo.

Aniya, inaasahan ng Coast Guard District Palawan na makumpleto at maisumite ang report ng insidente sa PCG Headquarters sa Biyernes.

Noong Linggo, binangga ng China Coast Guard ang kinontrata ng Armed Forces of the Philippines na bangka na magdadala ng suplay sa mga tropa sa Ayungin Shoal na nasa BRP Sierra Madre.

Sa nasabing misyon, ang Philippine Coast Guard (PCG) vessel MRRV 4409’s port side ay binangga ng Chinese maritime militia vessel 00003 (CMMV 00003).

Sa pangyayari, pinatawag ng Department of Foreign Affairs si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.

Bilang tugon, sinabi ni Chinese Embassy Deputy Chief of Mission Zhou Zhiyong na ipinarating niya ang “matinding kawalang-kasiyahan at mahigpit na pagtutol ng China sa panig ng Pilipinas dahil sa panghihimasok ng mga sasakyang-dagat nito sa tinatawag na mga katubigan nito.”

Nanindigan si Zhou na ang Ayungin Shoal, na tinukoy niya bilang Ren’ai Jiao, ay bahagi ng Nansha Qundao ng China at teritoryo ng China. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous article129 election-related violence incidents naitala
Next articleKaso ng COVID nag-plateau – DOH