Home OPINION PCSO: MAS LOLOBO ANG KITA SA E-LOTTO

PCSO: MAS LOLOBO ANG KITA SA E-LOTTO

SA loob ng isang taon, mula ngayon, makikita kung apektado o hindi sa kanilang benta ang tradisyonal na pamamaraan nang pagtaya sa mga outlet dahil may inilunsad ng electronic lottery o E-Lotto ang Philippine Charity Sweepstakes Office.

May mga lotto outlet kasing umalma nang i-anunsiyo noong  Setyembre ni PCSO General Manager Mel Robles na ilulunsad nila ang E-Lotto para maging kumbinyente at mabilis ang gagawing pamamaraan ng mga mananaya.

Ipinaalala pa ni Robles noon na masyadong naapektuhan ang operasyon at ang kita ng PCSO nang tumama ang pandemyang dulot ng COVID-19 dahil hindi makalabas ang mga tao para tumaya sa outlet kaya labis ding naapektuhan ang pagkakaloob nila ng ayuda sa mga higit na nangangailangan nang panahong iyon kaya naisip nila ang ganitong paraan.

Bago nga pala ito i-anunsiyo ni Robles ay lumagda na rin siya sa isang Memorandum of Agreement sa Pacific Online Systems Corporation para mangasiwa sa E-Lotto sa loob ng isang taong pagsubok noong Agosto 30.

Ang POSC ay isang kompanyang may malawak ng karanasan sa industriya ng lottery sa loob ng 27 taon at walang gastos ang PCSO sa pinasok na kontrata dahil may 17 porsyento nang kikitain ang kompanya sa kabuuang halagang makokolekta sa taya sa bawa’t larong lotto.

Naniniwala si Robles na bukod sa hindi maaapektuhan nito ang benta ng mga tradisyunal na lotto outlet, mas lalakas pa nga sila ngayon dahil inakyat na nila sa P500 milyon ang garantisadong premyo sa kanilang Grand at Ultra Lotto na 6/55 at 6/58 ayon sa pagkakasunod.

Ayon pa sa PCSO general manager, mas lalakas pa nga ngayon ang kita ng mga outlet dahil sa dami nang magbabakasakaling maging milyonaryo lalo’t hindi malayong lumobo sa bilyong piso ang premyo sa oras na walang pinalad na makakuha ng jackpot number.

Sabagay, may katuwiran naman talaga si Robles dahil nasa kultura na talaga ng mga Pinoy ang mahilig makipagsapalaran.

Sana nga ay lumago pa ng husto ang kita ng PCSO dahil batid naman ng marami na marami silang natutulungan, lalu na ang mga nagiging biktima ng kalamidad at mga mahihirap na walang pambayad sa malaking gastusin sa pagpapagamot ng kanilang karamdaman.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.

Previous articlePhilippine National Games, Batang Pinoy Nationals nagbukas na
Next articlePSC Chief, optimistiko sa BP-PNG