MANILA, Philippines – Pinawalang sala ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles at 10 iba pang akusado ng Sandiganbayan sa 16 kaso ng graft at korupsiyon kaugnay ng multibilyong pisong pork barrel scam, ngunit nakitaan din siya ng pagkakasala sa iba namang graft at malversation sa iba pang mga kaso.
Ang pagpapawalang-sala ay may kaugnayan sa mga alegasyon ng anomalya sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ni dating Senador Bong Revilla.
Sa 200-pahinang desisyon, sinabi ng First Division ng graft court na hindi napatunayan ng prosecution na may sapat na ebidensiya upang patunayan ang pagkakasala ni Napoles sa lahat ng 16 kaso.
Ipinaliwanag din ng korte na ang mga kaso ay maaaring ituring na “predicate crimes” sa mga kasong plunder ni Revilla, kung saan si Napoles ay na-convict na noon.
Ang predicate crime ay isang aksyon na bahagi ng mas malaking krimen. Gayunpaman, kahit na acquitted siya, ang Napoles ay na-convict na sa mga naunang kaso at mananatiling nakakulong.
Samantala, nakitaan ng sala ang Sandiganbayan’s Second Division si Napoles sa dalawang bilang ng graft at dalawang bilang ng malversation.
Ang mga kaso ay nagmula sa P7.6 milyong pork barrel fund ni dating Representative Douglas Cagas ng Davao del Sur.
Ipinataw naman dito ang 12 hanggang 17 taon sa bilang ng bawat conviction ng malversation ng public funds kay Napoles. Inatasan din siya na magbayad siya ng P7.6 milyon sa pamahalaan para sa bawat conviction ng malversation. RNT