Home OPINION PDEA AGENTS INIIMBESTIGAHAN SA TANIM EBIDENSYA

PDEA AGENTS INIIMBESTIGAHAN SA TANIM EBIDENSYA

NAGSAGAWA ang anti-narcotics operatives ng kakatwang operasyon sa Solsona, Ilocos Norte nitong weekend, inaresto si Jason Andres Dumlao sa tinawag nilang raid, na ngayon ay unti-unting nalalantad bilang posibleng kaso ng mistaken identity.

Napaulat na inatasan ni Philippine Drug Enforcement Agency Director-General Moro Lazo ang regional director niyang si Joel Plaza na imbestigahan ang insidente at sibakin sa puwesto ang pitong agents na sangkot sa isyu.

Gulantang si Dumlao, isang mag-uuling, at napalupasay  sa lupa matapos pagbintangang  nagbebenta ng iligal na droga sa kabila nang mariin niyang pagtanggi. Isang sachet ng hinihinalang “shabu” ang nadiskubre umano sa kanya.

Pero nakuhanan ng video, at viral ngayon, ang buong insidente, dahil sa posibleng patunay ng foul play – partikular ang isang agent na kahina-hinalang dinukot daw mula sa kanyang bulsa ang bagay na sinasabing nakumpiska mula sa suspek.

Gayundin, ang target ng PDEA ay mayroong tattoo, isang bagay na wala naman sa suspek. Wala ring criminal records si Dumlao. At sa kabila nang paulit-ulit niyang pagsasabi na handa siyang sumailalim sa drug test para malinis ang kanyang pangalan, nagsusumiksik pa rin si Dumlao sa isang selda habang isinusulat ang kolum na ito.

Ngayong hindi mawala-wala ang paghihinala ng publiko laban sa mga nangako na magpapatupad ng batas, karapat-dapat lang na magkaroon ng bukas at masusing imbestigasyon para matukoy kung mayroon talagang  law enforcers na umaabuso sa kapangyarihan.

Bomb threat

Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mabilis na kumikilos ngayon ang National Bureau of Investigation  upang madakip ang nagbantang magpapasabog ng bomba, na pinuntiryang biktimahin ang Metro Rail Transit Line 3  nitong Setyembre.

Pero teka, sapat ba ang bilang ng mahuhusay nating alagad ng batas upang mahuli ang e-mail sender, na nakilala lamang bilang Takahiro Karasawa? Ayon sa mga report, ipinakikilala ng lalaking ito ang kanyang sarili bilang isang abogadong Japanese mula sa isang “Steadiness Law Office” at mahusay sa paggawa ng bomba.

Ang banta sa kaayusan na jokester na ito ay lumikha ng parehong nakababahalang sitwasyon sa iba pang mga bansa, nagpapahiwatig na malaki ang kumpiyansa niya na lagi siyang makalulusot. Ibig sabihin, bagama’t importante at kapuri-puri ang pakikipagtulungan ng NBI sa pandaigdigang law enforcement, hindi ko alam kung tama bang isapubliko pa ang mga ginagawa nilang hakbangin.

Isa itong trabaho para sa top-level cybersecurity warriors na may kakayahan para epektibong matunton ang pinanggagalingan ng mga nasabing banta na nakakubli sa Internet desk. Nagpaalala naman si NBI Director Medardo de Lemos sa publiko, “to remain vigilant and report any suspicious activities or information related to this case to the authorities” na para bang nahaharap sa kawalan ang “white hackers” ng kanyang organisasyon. Siguro nga.

*        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

Previous articleDOLE: PAGBABA ng BILANG NG jobless bunga ng pagpapalakas ng PAGGAWA
Next articleBUILDING PERMIT MUNA BAGO KONSTRUKSYON