Home NATIONWIDE Peak ng El Niño nararanasan na – PAGASA

Peak ng El Niño nararanasan na – PAGASA

MANILA, Philippines- Maaaring nasa peak na ang El Niño, ayon sa state weather bureau PAGASA at binalaan ang publiko na asahan na ang mas mainit na panahon sa mga darating na araw.

Sinabi ni PAGASA’s Climate Monitoring and Prediction Section chief Analiza Solis na sa Metro Manila, ang maximum daytime temperatures para sa Marso ay maaaring pumalo sa 36.5 degrees Celsius.

Hindi lamang limitado sa Metro Manila ang init. Ayon sa PAGASA, tataas ang mercury sa Northern Luzon kung saan posibleng sumipa ang maximum daytime temperatures sa mahigit 40 degrees Celsius. 

“Dagdag pa ‘yung alinsangan o ‘yung heat index. So p’wedeng pumalo ng plus three to five degrees. ‘Yun po ‘yung posibleng maranasan natin po,” aniya.

Ayon sa eksperto, delikado ang ganito kataas na temperatura. Pinaalalahanan ang publiko na uminom ng tubig at magsuot ng “light, protective clothing” tuwing lalabas.

“Medyo mapanganib ito because ang normal body temperature is 37 degrees lang. So pumapatak na mas mainit sa labas para tayong nilalagnat,” pahayag ni Office of Civil Defense Spokesperson Edgar Posadas. 

“The key is hydration. We should have 8-12 glasses per day. Make sure nakukuhanan sila ng BP all the time. ‘Yung mga may conditions like diabetes, renal conditions, epilepsy ito ‘yung very sensitive sa amount of water at sa init,” dagdag niya.

Kasalukuyang nakararanas ang 41 lalawigan sa bansa ng dry condition, dry spell, at drought. Pagsapit ng April at May, inaasahan ng PAGASA na tataas sa 80 ang bilang ng mga apektadong probinsya.

Kaya naman, kahit nananatiling normal ang water levels sa dams, mahalaga pa rin ang “water austerity measures” at patuloy na monitoring.

Sinisikap din ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System na ibsan ang system loss ng tubig mula sa Angat Dam. Kabilang dito ang decommissioning ng lumang aqueducts, na kalaunan ay nagresulta sa leaks. RNT/SA

Previous articleZubiri nangakong pipirma sa subpoena vs Quiboloy
Next articleImee ‘di tatakbong mayor ng Maynila