Home METRO Pedopilyang British at US national inaresto ng BI

Pedopilyang British at US national inaresto ng BI

MANILA, Philippines- Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa dalawang dayuhan na pedopilya na wanted ng awtoridad sa kanilang bansa dahil sa pangmomolestiya ng mga bata.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang American national na si John Tomas Minor, 42, at British national na si Derek Gordon Heggie, 40, na inaresto sa magkahiwalay na operasyon ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng BI sa Cebu province.

Ayon sa BI, si Minor ay inaresto sa kanyang condominium unit sa Cebu Business Park sa Cebu City habang si Heggie ay nakorner sa kanyang residential unit sa Brgy. Guadalupe, Bogo City.

Sinabi ni Tansingco na nag-isyu siya ng mission orders para sa pagkakaaresto ng dalawa dahil sa kahilingan ng awtoridad ng US at British na nagbigay ng impormasyon sa BI hinggil sa kanilang pagiging sex offenders.

“They will be deported after our board of commissioners issues the orders for their summary deportation after which they will be included in our immigration blacklist to prevent them from reentering the country,” ayon kay Tansingco.

“We should not allow these wanted sex offenders to use the Philippines as a sanctuary to elude arrest and evade prosecution for crimes they committed in their homelands,” dagdag pa ng BI Chief.

Ayon sa awtoridad sa US, si Minor ay kasama sa arrest warrant na inisyu ng superior court sa Spokane, Washington kung saan siya nahatulan ng panggagahasa at pangmomolestiya sa bata.

Ayon naman sa National Crime Agency of the United Kingdom, si Heggie ay nahatulan ng sexual assault noong Agosto 10, 2005 at iba pang krimen kabilang ang panggagahasa sa kanyang domestic partner noong 2018 at ex-partner noong 2013 at pang-aabuso sa mga menor-de-edad.

Ang dalawa ay kasalukuyang naka-detine sa BI office sa Mandaue City bago ilipat sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City. JAY Reyes

Previous articlePag-amyenda sa PFDA charter inihirit ng DA chief
Next article4 patay sa lasing na driver ng van