Home OPINION PEKENG ACCOMPLISHMENT SA PROMOTION SA PNP

PEKENG ACCOMPLISHMENT SA PROMOTION SA PNP

ANO na ang nangyayari sa Philippine National Police?

Mabigat na nga ang problema nito sa droga, may problema pa sa promosyon.

“Yun bang === pinepeke ng ilang pulis ang mga accomplishment nila para magkaroon ng promosyon sa ranggo o pwesto, ayon sa National Police Commission.

At kung tumaas ang ranggo ng may pekeng accomplishment sa kernel o heneral at malagay sa maimpluwensyang pwesto sa PNP, ano sa palagay ninyo ang mangyayari?

Paano kung nagiging PNP chief ‘yan at pagkatapos, eh, ipupwesto sa sibilyang pwesto o maging mayor, kongresman, senador, gabinete ng Pangulo ng bansa o maging Pangulo mismo, ano sa palagay ninyo ang mangyayari?

Alalahanin, marami nang kernel o heneral na pulis na naging mayor o gobernador.

Sa Senado, si Senator-Heneral Bato dela Rosa ay dating PNP chief at ilang dating heneral sa pulis ang kongresman naman ngayon.

Heto pa, si Heneral Fidel “Tabako”Valdez-Ramos, isa ring pulis sa pamumuno nito sa Philippine Constabulary na naging pambansang pulisya ay naging Pangulo ng Pinas.

Paano kung aabot ang may pekeng accomplishment sa mga nabanggit na posisyon sa pamahalaan?

Aba, kung sanay sa pekehan ang isang pulis na aakyat sa ranggo at magkaroon ng pwesto sa gobyerno hanggang maging Pangulo ng bansa, maaaring dadalhin nito ang pamemeke na ikasasama ng lahat.

NAPOLCOM ANG MAY SABI

Nababanggit natin ang pekehan ng accomplishment dahil mismong ang Napolcom ang may sabi nito.

Ang isang mahalagang katanungan, nagsimula na bang pagtatawagin at imbestigahan ng NAPOL-COM ang mga sangkot sa nadiskubre nitong iskam na ‘to?

‘Yun bang === nagsimula na ba ang nasabing ahensya na pagtatawagin ang mga pulis na nagsumite ng mga pekeng accomplishment?

Paano ang mga sumuri sa mga accomplishment at nag-apruba sa kanilang mga promosyon, nasimulan na ba nilang pagtatawagin?

PERO ANO BA ANG ACCOMPLISHMENT?

Karaniwang dalawa ang uri ng mga ito: indibiduwal at grupo o kaya’y purong imbento lang ang accomplishment gaya ng pagkakasamsam ng droga pero walang nahuhuling suspek at hinahaluan ng drama.

Sa indibiduwal, inaangkin ng isang pulis ang accomplishment ng iba.

Nagaganap ito kung pinagbabawalan ng isang pinuno ang kanyang mga kasama na lumutang, halimbawa, sa media at iginigiit na siya lang ang pupwedeng magsalita sa pagkakasolba ng krimeng gawa ng kanyang mga tauhan at hinahaluan din ng sarili niyang drama.

Malaki rin ang papel ng bata-bata system na mismong si colonel o heneral mismo ang maglista ng accomplishment ni patrolman o corporal o sarhento o tenyente saka nito irerekomenda o aaprubahan.

‘Yung grupo, gaya ng pagpili sa mga best regional, provincial, city o municipal police office at iba pa na ginagamit para sa promosyon, ang mga magagandang babae, naglipanang litson at closed door meetings ng mga inspector at hepe ng iniinspeksyon na police office ang may gawa ng accomplishment.

oOo

Anomang reklamo o puna, iparating lang sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

Previous articleKAHINAAN SA PAGPATAY SA TRAFFIC ENFORCER
Next articleEmergency warning umalerto sa SoKor, Japan sa space satellite launch ng NoKor

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here