Home NATIONWIDE Pekeng bank guarantee ng POGO auditor, ibinulgar ni Gatchalian

Pekeng bank guarantee ng POGO auditor, ibinulgar ni Gatchalian

112
0

MANILA, Philippines – Nakatuklas ng panibagong problema ang Senado hinggil sa operasyon ng third party auditor na kinuha ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para sa operasyon ng Philippine Overseas Gaming Organization (POGO) alinsunod sa sertipikasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, itinanggi ng affiliate ng Soleil Chartered Bank ang bank certification na inisyu pabor sa third party auditor na Global ComRCI na kinontrata ng PAGCOR para sa operasyon ng POGO sa bansa.

Binanggit ni Gatchalian ang liham ni BSP Governor Felipe Medalla sa Senado na peke ang bank guarantee dahil itinanggi ito ng Soleil Chartered Bank.

Sa kanyang liham, ayon kay Gatchalian, binanggit ni Medalla ang pahayag ni Raj. C. Astavakra, Chief Executive Officer ng Soleil Capitale na affiliate ng Soleil Chartered Bank, na nakabase sa ibang bansa at walang operasyon sa Pilipinas.

Sinabi rin ni Medalla, ayon kay Gatchalian, na ang Soleil Capitale ay walang anumang rekord ng bank certification.

Ani Gatchalian, walang aplikasyon ng banking license sa BSP ang Soleil Chartered at hindi ito nakatanggap o nagproseso ng anumang banking application batay sa records ng BSP mula 2014.

Idinagdag pa ni Gatchalian na tanging ang mga pinahintulutan ng BSP na magpatakbo bilang isang bangko ang maaaring mag-isyu ng letter of credit o sertipikasyon ayon kay Medalla.

Ang Global ComRCI consortium ay mayroong P6 bilyong kontrata sa PAGCOR sa loob ng sampung taon para i-audit ang kita ng mga POGO.

Sa pagtatangka ng PAGCOR na ipakita ang pagiging lehitimo ng operasyon ng Global ComRCI sa huling pagdinig ng Senado, nagpakita ito ng bank guarantee na inisyu umano ng Soleil Chartered sa Global ComRCI sa halagang $25 milyon.

Sa ilalim ng Terms of Reference (TOR) ng PAGCOR, para maging kwalipikado ang isang third party auditor ay kailangang matugunan nito ang P1 bilyon na requirement.

Binanggit din sa sulat ng BSP ang iba pang hindi pagkakatugma sa certification ng bangko tulad ng bank logo na ginamit sa dokumento.

“Malinaw sa sulat ng BSP na peke ang ipinakitang bank certificate ng Global ComRCI sa PAGCOR. Hindi lang kaduda-duda ang kontrata ng PAGCOR at Global ComRCI, lumalabas na kwestiyonable na rin ang kredibilidad ng Global ComRCI na magsagawa ng audit sa gaming revenues ng POGO,” diin ni Gatchalian. Ernie Reyes

Previous articleWalang bagyong inaasahan sa weekend – PAGASA
Next articleBawas-presyo sa petrolyo asahan sa susunod na linggo!