Home METRO Pekeng NBI agent na tumangay ng ₱10M, arestado

Pekeng NBI agent na tumangay ng ₱10M, arestado

MANILA, Philippines – Arestado ang isang pekeng ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na umano’y nanloko at tumangay ng halagang ₱10 milyon sa isang negosyanteng Chinese national sa ikinasang follow-up operation sa Tondo, Manila ng mga tauhan ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Pasay City police, nitong Linggo ng gabi, Pebrero 23.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) director PBGEN. Manuel Abrugena ang inarestong suspek na si alyas Crisanto, 50.

Ayon kay Abrugena, nadakip si Crisanto ng mga miyembro ng IDMS at ng Pasay City police trackers team bandang alas 9:15 ng gabi sa panulukan ng Hermosa at Juan Luna Streets, Tondo, Manila.

Base sa salaysay ng biktima na kinilalang si alyas Chen, 38, negosyante at residente ng Makati City, nakilala niya ang suspek matapos na magtanong sa kanyang mga kakilalang taga Bureau of Immigration (BI) na makakatulong sa kanya sa pagpapalabas ng 20 Chinese national na nahuli ng mga tauhan ng NBI Anti-Cybercrime Unit na nang-raid sa isang KTV bar kamakailan sa Parañaque City.

Sinabi ng biktima na nagkita sila ng suspect, na nagpakilala sa kanyang NBI Intelligence Officer, nitong nakaraang Pebrero 20 dakong alas 2:00 ng hapon sa isang Seafood restaurant sa Pasay kung saan kanyang iniabot ang ₱10 milyon kapalit ng kalayaan ng 20 Chinese nationals na nakakulong sa NBI.

Dagdag pa ng biktima na nagdaan ang maghapon hanggang hatinggabi ay wala siyang nakuhang impormasyon mula sa suspect kung kaya’t humingi na siya ng tulong sa Pasay City police kinabukasan (Pebrero 21).

Sa pakikipatulungan ng mga saksi ay natunton ang kinaroroonan ng suspect kung saan agad na nagsagawa ng operasyon ang IDMS na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspect.

Sa isinagawang operasyon ay nakuha sa posesyon ng suspect ang halagang ₱1 milyon na pinaniniwalaang bahagi ng perang nakulimbat sa biktima.

Napag-alaman din sa imbestigasyon na bumili ng isang kulay pulang Ford Raptor (NDJ 8758) nito lamang nakaraang Pebrero 22 na ini-impound din ng Pasay City police.

Nahaharap sa kasong Swindling (Estafa) sa ilalim ng Article 315 at Usurpation of Authority sa ilalim naman ng Article 177 ng parehong nakasaad sa Revised Penal Code (RPC) ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police.

“This arrest sends a strong message that deception and abuse of authority will not be tolerated. Our law enforcement officers remain committed to ensuring that criminals who exploit and defraud innocent individuals are brought to justice. We encourage the public to remain vigilant and immediately report suspicious activities to authorities,” ani Abrugena. (James I. Catapusan)