Home METRO Pekeng social media page ng lungsod ibinabala ng Makati LGU

Pekeng social media page ng lungsod ibinabala ng Makati LGU

MANILA, Philippines – Nagbabala ang lokal na pamahalaan ng Makati sa publiko na mag-ingat sa paggamit ng lumalabas na fake na social media page na gumagamit ng pangalan at larawan ng lungsod na maaaring magamit sa panloloko at krimen.

Ayon sa Makati Information and Community Relations Department (ICRD), nakipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) para managot at ikakaaresto ng mga sangkot sa pagbuo ng pekeng pahina ng lungsod sa social media na isang paglabag sa Cybercrime Prevention Act.

“Sa ating #ProudMakatizens at sa lahat ng netizens, maging kritikal tayo sa pagbabasa ng impormasyon sa social media lalo na sa mga naglalabasang accounts na tulad nito. Suriing mabuti ang mga pangalan ng page at mga detalye tungkol dito. Importanteng tignan agad kung may Meta Verified badge ang page,” sinabi ng ICRD.

Pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang publiko na i-report ang kanilang pekeng pahina sa Facebook at sites pati na rin ang hindi pagpansin sa mga mensahe at requests nito na i-add ang kanilang pahina.

Ang Meta Verified Account na opisyal na Facebook page ng lokal na pamahalaan ay yung site na mayroong blue check sa Facebook.

Matatandaan na hindi ito ang kauna-unahang pekeng Facebook page ng Makati ang nadiskubre kung saan noong taong 2019 ay nadiskubre din ang pekeng Facebook page ni Mayor Abby na “Mayor Abby Binay”na gamit ang mga larawan ng mayora.

“Amin po kayong binabalaan na mag-ingat sa mga hindi makatotohanang balita at mga Facebook pages na nagpapanggap bilang si Mayor Abby Binay (We are warning everyone about fake news and Facebook pages posing as Mayor Abby Binay),” dagdag pa ng ICRD.

“Ang mga opisyal na announcements ay manggagaling lamang sa ating My Makati Facebook page,” pagtatapos ng ICRD. (James I. Catapusan)

Previous article10 pulis-SPD sibak sa serbisyo sa ginawang condo raid
Next articleKrimen sa Pinas kumonti mula Enero-Pebrero 10 – PNP