Home HOME BANNER STORY People’s initiative tablado sa INC

People’s initiative tablado sa INC

MANILA, Philippines – Hindi suportado ng Iglesia ni Cristo ang people’s initiative na isinusulong na paraan para amyendahan ang 1987 Constitution.

Sa programang “Sa Ganang Mamamayan” ng NET25, nilinaw ng dalawang host ng programa na sina Gen Subardiaga at Nelson Lubao ang mga usap-usapan patungkol sa posisyon ng INC sa usapin ng people’s initiative.

Ito ay kasunod ng pagkalat ng mga vlog na nagsasabi ng iba’t ibang posisyon ng INC sa usapin.

Batay sa tagubilin sa mga miyembro noon pang nakaraang buwan, nanindigan ang INC na hindi nila sinusuportahan ang people’s initiative.

“Ibinilin na po sa amin ‘yun eh. At ang bilin po sa amin ay tutol tayo… tutol po kami ha?… Tutol po kami sa isinasagawa ngayon na people’s initiative,” sinabi ni Subardiaga sa nabanggit na programa.

Matatandaan na naging matunog ang usapin ng people’s initiative kung saan pangunahin itong isinusulong sa Kamara.

Itinuro pa ng ilang mga senador si Speaker Martin Romualdez bilang “prime mover” ng PI.

Inakusahan din ng mga ito ang ilang kongresista na gumagamit ng salapi upang mangalap ng pirma para sa naturang inisyatibo.

Kamakailan ay sinuspinde na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagtanggap ng signature sheets na may kinalaman sa PI. RNT

Previous articleIsang buwang break ng mga guro, makatutulong sa PISA performance ng Pinas – DepEd
Next article4 sugatan sa sunog sa Sta. Mesa