Home NATIONWIDE Pera ng taumbayan ‘wag gamitin sa Cha-cha petition drive – Imee

Pera ng taumbayan ‘wag gamitin sa Cha-cha petition drive – Imee

Manila, Philippines- Tuloy-tuloy ang pagbabatikos ni Senadora Imee Marcos sa pagsusulong na amyendahan ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng people’s initiative at sinabing mabibigo lang ito dahil sa lantarang panunuhol at mapanlilang na taktika gamit ang pondo ng taumbayan.

Bagama’t bukas ang Senado na rebisahin ang economic provision ng Saligang Batas, sinabi ni Marcos na dapat tiyaking sumusunod ito sa tamang proseso at hindi para linlangin ang publiko.

“Ang mga senador hindi naman tutol sa pagbabago ng economic provision. Sabi nga namin, tama naman ‘yan, overdue na nga ‘yan. Hindi rin kami tutol sa people’s initiative sa tamang pamamaraan. Pero ‘wag nililinlang ang mga tao na may kinalaman sa ayuda, higit sa lahat ‘wag namang pera para sa pirma. Hindi tama ‘yon,” sabi ni Marcos.

Ayon sa mambabatas, nakakabahala dahil sangkot sa signature drive ang ilang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development, Department of Health at Department of Labor and Employment.

Binigyang-diin pa ng senador na malinaw ang legal framework at detalyadong methodology ang patuloy na pagtutulak ng people’s initiative. Mahalaga rin aniya na may malinaw na komunikasyon at pang-unawa ng publiko tungkol sa posibleng pagbabago ng Konstitusyon.

Pinuna rin ng senador ang proseso ng botohan sa people’s initiative, kung saan iminumungkahi ng mga nagtutulak nito na magkaroon ng magkasanib na botohan angKamara at Senado, bagay na mariing tinututulan ng mga senador.

Nagtaas pa ng kilay ang senadora sa hindi proporsyonalidad sa kapangyarihan sa pagboto dahil ang kanilang grupo sa Senado na 24 lamang ay maaring matabunan lang ng napakalaking boto mula sa Kamara. RNT

Previous articleNTF-ELCAC positibo sa pakikipagtulungan kay UNSR Khan
Next articleAmihan magpapaulan sa ilang bahagi ng Pinas