Home NATIONWIDE Pera sa iligal na POGO pwedeng makaapekto sa 2025 elections – DILG,...

Pera sa iligal na POGO pwedeng makaapekto sa 2025 elections – DILG, PAOCC

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) tungkol sa posibilidad na ang pera na nagmumula sa mga ilegal na aktibidad ng ilang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) firms ay maaaring gamitin para sa 2025 elections.

“Whether we like it or not sa totoo lang kung minsan itong mga perang illegal na ito ay ginagamit to prop up candidates. ‘Yun ang masaklap dito, all of these things could possibly affect an election,” ani Interior Secretary Benhur Abalos sa isang ulat.

Ang datos mula sa PAOCC ay nagpakita na ang POGO hubs ay kumikita ng hindi bababa sa P2 bilyong kita kada buwan mula sa mga ilegal na aktibidad.

“Ang isang corrupt na pulitiko, kung siya ay alkalde ng isang bayan, hindi mo na kailangang mag-apply ng kahit ano pang dokumento, you can just operate anytime,” ani PAOCC Spokesperson Winston Casio.

“Bulag, pipi ang bingi ang isang corrupt na pulitiko kapag nasusuhulan ng magpo-POGO,” dagdag pa ni Casio.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na magkakaugnay ang operasyon ng mga kamakailan lamang na sinalakay na POGO hub sa mga bayan ng Bamban at Porac.

Tumanggi silang magbigay ng karagdagang impormasyon dahil nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon.

Sa POGO hub sa Porac, nakita ng pulisya at ng PAOCC)ang mga bagay na ginagamit para sa torture, diumano’y mga uniporme ng militar ng China, at ilang device na ginagamit para sa pag-clone ng mga SIM card at para sa pagpapadala ng mga text blast.

Samantala, anim na Chinese POGO workers mula sa ni-raid na POGO hub sa Bamban, Tarlac ang napag-alamang pugante na nahaharap sa mga kaso sa kanilang bansa. Ang mga Intsik ay may mga warrant of arrest para sa pandaraya, pagpapatakbo ng mga sugal, at iba pang krimen. RNT