Home HOME BANNER STORY Permit fees sa flagship infra projects nilibre ng gobyerno

Permit fees sa flagship infra projects nilibre ng gobyerno

MANILA, Philippines – Nilibre na ng mga ahensiya ng pamahalaan at local government units ang bayarin sa mga kumukuha ng permits at iba pang dokumento na kailangan para sa konstruksyon ng infrastructure flagship projects (IFPs).

Ito’y alinsunod sa Executive Order 59, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Abril 30, naglalayon na i-streamline o gawing simple ang pagpo-proseso ng mga permit at tiyakin ang napapanahong pagkompleto sa IFPs.

“There are those agencies that have already informed us that they will be waiving the imposition of their fees and charges to encourage investors to come in,” ang sinabi ni Anti-Red Tape Authority (ARTA) Director-General Ernesto V. Perez.

Ang mga permit gaya ng building at excavation permits, certificate of occupancy para sa IFPs ay magiging free of charge ng ilang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Metropolitan Manila Development Authority.

Dagdag pa rito, nilibre rin ng Bases Conversion and Development Authority ang kanilang bayarin kabilang na ang kanilang implementing arms: John Hay Management Corporation, Poro Point Management Corporation, at Clark Development Corporation.

Nakasaad kasi sa EO 59 na binabawasan nito ang bilang ng iba’t ibang ‘issuing agencies’ para sa IFPs mula 30 ay magiging 12 hanggang 18 government agencies na lamang ito.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni National Economic and Development Authority Undersecretary Joseph J. Capuno na ang transaksyon sa mga ahensiya ng pamahalaan ay ‘sequential’, ang ibig sabihin ay hindi na kailangan na maghintay ng IFPs ng 20 araw para sa permit, ayon sa Ease of Doing Business law, subalit maaaring tumuloy na sa ibang ahensiya para sa transaksyon.

“So even if there are 18 (agencies), sabi mo nang very complicated yung projects, they’re allowed out to 20 days. But you can do this simultaneously,” ayon kay Capuno.

Tinatayang may 35 hanggang 50 IFPs ang nasa ilalim ng pre-project implementation category na magsisilbi ng test cases para sa EO 59.

Ilan sa mga ito ay naghihintay na lamang na maaprubahan at may Ilan naman ang para sa implementasyon.

Samantala, umaasa naman si Capuno na dahil sa EO 59 ay magi-improve na ang ranking ng bansa sa imprastraktura sa kabila ng mababang ranking sa Switzerland-based Institute of Management Development (IMD) competitiveness scale.

“Well, hopefully, with the implementation of this one, full implementation of this one, we can not notch a bit higher in the next round,” anito.

Ang Pilipinas ay nasa pang -13 mula sa 14 na bansa sa Asia-Pacific region, susunod lamang sa Mongolia; habang nasa ranggo naman ito na pang- 61 mula sa 67 na bansa pagdating sa imprastraktura. Kris Jose