Home HOME BANNER STORY Personal agenda nasa likod ng ‘bribed initiatives’ – solons

Personal agenda nasa likod ng ‘bribed initiatives’ – solons

MANILA, Philippines – Personal na agenda ang nasa likod nang pagsusulong ng peoples’ initiatives o tinaguriang “bribed initiatives” na nangangalap ng lagda sa bawat barangay kapalit ng P100 sa pamamagitan ng ayuda mula sa local government units (LGUs).

Sa magkakahiwalay na pahayag, lubhang nasusuklam sa inisyatiba sina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senador Sherwin Gatchalian sa estilo ng pangangalap mng lagda.

Ayon kay Villanueva, dapat iwasan ng sinumang nagsusulong ng charter change ang manipulasyon at pagbabanta sa mamamayan para pagsilbihan ang personal na internes.

“Magpakatotoo na lang po kayo. Alam naman po natin na ang totoong dahilan kaya pinagpipilitan nilang buwagin ang Senado ay para kontrolin ang kapangyarihan sa ilalim ng unilateral o iisang Kongreso,” ayon kay Villanueva sa statement.

“Higit po sa lahat, nais nilang palawigin ang kanilang mga termino, ” giit niya.

Sinabi ni Villanueva na hindi solusyon ang charter change sa problemang kinahaharap ng bansa.

Bukod sa tangkang pagbili ng lagda at viral videos na nagpapakita na ginagamit ang ayuda kapalit ng pirma, kumalat din ang isang television advertisement na nangangampanya sa Cha-cha.

Ayon kay Gatchalian, pulitikal ang ipinamamarali ang ad na nagsasabing nabigo ang 1987 Constitution.

“If you put in money, that means that certain people are pushing for their agenda. And that’s not good. That will tilt the very essence of amending our Constitution and people’s initiative,” ayon kay Gatchalian sa hiwalay na statement.

Aniya, dapat nakatuon sa espisipikong probisyon na rerebisahin o aamyendahan, hindi pangkalahatan o kabuuan ng Saligang Batas.

“If the economic provisions are the ones being pinpointed as hindrance to our development then let’s just focus on that,” ayon kay Gatchalian.

Sa ilalim ng peoples’ initiative, kailangan makakuha ng 12 porsiyento ng kabuuang bilang ng rehistradong botante at tatlong porsiyento naman kada legislative district.

Kailangan rebyuhin, iberipika at patunayan ng Commission on Elections ang lagda saka magsasagawa ng plebisito upang aprubahan ang amyenda.

Naunang ibinulgar ni Albay Rep. Edcel Lagman na ilang alkalde ng lalawigan ang nangangalap ng lagda kapalit ng ayuda sa halagang P100 kada botante.

Sa lalawigan ng Nueva Ecija, ilang barangay chairman at kagawad ang umangal sa pamamahagi ng signature forms sa bawat munisipalidad na kailangan makakuha ng 1,000 lagda kada barangay kapalit ng ayuda mula sa LGUs.

Itinuring ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na pawang suhol ang ayuda na tinagurian nitong “bribed initiatives” ang pangangalap ng lagda kapalit ng anumang halaga. Ernie Reyes

Previous articleP3M ukay-ukay nasabat ng PCG sa Bicol
Next articleBangkay natagpuan sa gilid ng sea wall sa Intramuros