Home NATIONWIDE PGH ‘di muna tatanggap ng mga bagong pasyente sa emergency unit

PGH ‘di muna tatanggap ng mga bagong pasyente sa emergency unit

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Philippine General Hospital na hindi muna sila tatanggap ng mga bagong pasyente sa emergency unit nito sa ngayon bunsod ng nangyaring sunog sa ospital nitong Miyerkoles, Marso 13.

“Ang amin pong emergency room ay hindi pa tumatanggap ng mga pasyente dahil may mga areas pa na kailangan linisin sa loob ng PGH at punong-puno pa po yung emergency room ng ospital,” ayon sa abiso ng PGH.

“Unahin muna natin ang mga ito na maipasok sa ospital. Dahil po sa nangyaring sunog, marami pong backlog kaya ang appeal namin hindi muna kami tatanggap ng mga ordinaryong kaso maliban po yung mga life-threatening emergencies po,” dagdag pa ni PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario.

Sinabi rin ng PGH na patuloy naman ang kanilang pagtanggap ng iba pang mga pasyente, kabilang ang mga nasa Outpatient Department.

Sa kabilang banda, natukoy na ng Bureau of Fire sa Maynila nitong Huwebes kung saan nagsimula ang sunog sa bahagi ng ospital.

Sinabi ni Manila Fire Marshall FSSupt. Christine Cula na naapektuhan ng sunog ang gitnang bahagi ng audio-visual room ng ospital.

“Meron din akong nakita doon na research unit ng adult medicine. Isang area ito. ‘Yun ang pinagsimulan,” aniya.

Sa panahon ng sunog, walang nasugatan sa mga pasyente dahil agad silang inilikas.

Gayunpaman, dalawang empleyado ng PGH ang na-admit dahil sa hirap sa paghinga.

Muli namang nagpaalala ang BFP sa publiko na maging maingat lalo na sa mga linya ng kuryente at lumang appliances para maiwasan ang sunog. RNT

Previous articleLotto bettors bokya sa P58M combined jackpots
Next articleNagpaputok ng baril sa mga residente sa demolisyon sa Pampanga pananagutin ng alklade