Home SPORTS PH boxers sasabak sa mas mabibigat  na division sa Asian Games

PH boxers sasabak sa mas mabibigat  na division sa Asian Games

673
0

MANILA — Naghahanda ang mga Pinoy boxers para sa isang mahirap na hamon sa darating na Asian Games sa Hangzhou, China, kung saan sasabak sila sa mga weight class na mas mabigat kaysa sa nakasanayan na nila.

Ilang weight division ang hindi naisama sa programa sa Hangzhou kaya napilitang umangat ng timbang sina Olympic medalists  Carlo Paalam at Eumir Marcial gayundin si John Marvin.

“Naninibago lang kami sa weight class namin, kasi lahat kami umakyat sa weight division namin,” pag-amin ni Marcial sa ginawang send-off para sa Asian Games-bound athletes sa PICC noong Lunes.

Nanalo si Paalam ng bronze sa 49kg division noong 2018 Asiad sa Jakarta, at naging silver medalist sa 52kg class sa Tokyo Olympics noong 2021 at sa Hangzhou, sasabak siya sa 57kg division.

Matagal nang lumaban si Marcial sa middleweight (75kg), kung saan nanalo siya ng bronze sa Jakarta at sa Tokyo. Ngayon, sasabak siya sa 80kg class.

Si Marvin ay gold medalist noong 2017 Southeast Asian Games sa 81kg class. Sa Hangzhou, lilipat siya sa 92kg division.

“Sobrang excited din po ako kasi umakyat ako ng weight class eh. So dati akong 54 ta’s nag-57. Adjustment naman po ang gawin ko sa taas ng ring,” wika ni Paalam.

Nagsanay ang mga pambansang boksingero India at Australia camps noong nakaraang buwan upang maghanda para sa Asian Games, at ipinahayag nila ang kanilang kahandaan para sa mga kumpetisyon sa kabila ng kanilang mga alalahanin sa pagbabago ng mga weight class.

Si Marcial, partikular, ay nagbigay ng katiyakan na siya ay nasa maayos na kalagayan matapos na sumali sa pambansang koponan sa kanilang kampo sa Australia mula sa Estados Unidos.

“Sa kundisyon wala namang problema kasi last month pa lang, nasa US na ako. Doon na ako nag-prepare for Asian Games, and then nag-join ako sa Philippine boxing team one month before ‘yung tournament ngayon,” hirit ni Marcial, na hindi muna sasabak sa pro-bout para makipagkumpetensya para sa Pilipinas sa Asiad.

“So ayun, nakuha ko na ‘yung experience ko talaga na mga sparring partners ko doon sa US, and then after noon nag-straight ako sa Australia. So walang problema ‘yung training camp,” dagdag pa nito.

Doble ang kahalagahan ng Asian Games para sa mga Pinoy boxers, dahil nagsisilbi rin itong qualifier para sa Olympic Games sa Paris sa susunod na taon. Tanging ang dalawang finalist sa bawat dibisyon ang makakakuha ng mga tiket sa Summer Games.

“Mabigat na competition sa amin kasi Olympic qualifying sa amin itong Asian Games. So kailangan talaga namin manalo. Gawin lang namin ‘yung best namin na wala kaming pagsisihan sa huli,” ani  Paalam.

Bukod kina Marcial, Paalam at Marvin, nakatakda ring sumabak para sa Pilipinas sa boxing sina Aaron Jude Bado (men’s 51kg), Mark Fajardo (men’s 63.5kg), Marjon Pianar (men’s 71kg), Aira Villegas (women’s 50kg), Irish Magno (women’s 54kg) at Nesthy Petecio (women’s 57kg).

Magbubukas ang Asian Games sa Setyembre 23.

Previous articleKultong pinararatangan ng pangmomolestya sa kabataan, nagpaliwanag
Next articleEmi Cup Pro-Am golf papalo sa Setyembre 21-22

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here