MANILA, Philippines – Nanindigan si Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela na hindi gagamit ang mga barko ng Pilipinas ng water cannons sa kabila ng panggigipit ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng bansa sa pinag-aagawang lugar sa West Philippine Sea.
Ayon kay Tarriela, na siya ring tagapagsalita para sa West Philippine Sea, hindi dapat gumanti ang Pilipinas at hindi dapat ito maging dahilan para mas lumala pa ang tensyon sa lugar.
“We have a chain of command. We respect the guidance of the present. The guidance of the present says that we should not be provoked, we should not be the reason for intensifying the escalation for China to justify once again bringing the next level of aggression kung anuman ang plano nila,” pagbabahagi ni Tarriela sa isang news forum.
Sinabi na ni Tarriela nitong Huwebes, Mayo 2, na nananatiling “professional” ang PCG sa kabila ng pag-atake ng China.
“We have to maintain professionalism in dealing with this kind of bullying of the Chinese Coast Guard.”
Idinagdag pa ng opisyal na kung nagagalit ng husto ang publiko sa naturang mga pangyayari, higit ang nararamdaman ng mga tauhan na nakasakay mismo sa barko na binobomba ng China gamit ang water cannon.
“The high emotions that you feel multiply it, double it, that’s what perhaps the same level of emotions that our Coast Guard personnel also feel,” dagdag ni Tarriela.
Noong Mayo 1 ay muling inatake ng mga barko ng China ng water cannon ang mga barko ng Pilipinas. Tinawag pa ni Tarriela ang pag-atakeng ito ng China bilang “very fatal.” RNT/JGC