MANILA, Philippines – Kapwa naniniwala ang Pilipinas at Japan na hindi katanggap-tanggap ang paggamit ng nuclear weapons.
Ito ang nakasaad sa joint statement ng Japan at Pilipinas na ipinalabas ng Embahada ng Japan, kapwa inihayag nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Prime Minister Fumio Kishida ang kanilang pananaw at posisyon sa Summit-level Working Dinner, Huwebes ng gabi, Pebrero 9 na may kaugnayan sa nangyayaring girian sa ibang bansa.
Sa nasabing event, kapuwa ikinalungkot ng dalawang lider ang pagsalakay ng Russian Federation laban sa Ukraine at ang “complete at unconditional withdrawal” mula sa teritoryo ng Ukraine.
“In this context, the two leaders stressed that the use or threat of nuclear weapons is unacceptable,” ang nakasaad sa joint statement.
“The two leaders also strongly opposed any attempt to jeopardize the foundation of the international order which does not accept any change of the internationally recognized borders by force or coercion affecting Europe and any part of the world,” ang nakasaad pa rin sa joint statement.
Kapwa kinondena rin ng dalawang lider ang patuloy na development ng nuclear weapons at ballistic missiles ng North Korea kabilang na ang “unprecedented number of ballistic missiles [launched] last year.”
Inulit ng mga ito ang kanilang commitment “to achieving the complete, verifiable and irreversible dismantlement of all weapons of mass destruction and ballistic missiles of all ranges of North Korea.”
Napaulat na nagpalipad ng multiple ballistic missiles ang North Korea dahilan upang maalerto ang mga residente sa bahagi ng central at northern Japan para maghanap ng masisilungan.
Kapwa naman tinuligsa nina Pangulong Marcos at Kishida ang ginawang pagdukot sa mga Japanese citizen na di umano’y ginawa ng North Korea sa nakalipas na taon, hinikayat ng mga ito ang Pyongyang na kaagad na lutasin ang abductions issue.
Samantala, pinagtibay ng dalawang lider ang kanilang intensyon na magtulungan para sa nuclear disarmament at nonproliferation sa hangarin na panatilihin at palakasin ang Treaty o tratado sa Non-Proliferation of Nuclear Weapons (NPT).
Si Pangulong Marcos ay nasa Japan para sa official visit na naglalayong palakasin ang ugnayan ng Maynila at Tokyo.
Inaasahang babalik ng bansa ang Pangulo sa araw ng Linggo, Pebrero 12. Kris Jose